Sapin-sapin ang kaso ni Guo; huwag n’yo namang patakasin
Sapin-sapin ang kaso ni Guo Hua Ping alyas Alice Guo. Hindi na ito lalabas ng kulungan, ani Dr. Winston Casio, spokesman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission. (Maliban lang kung patakasin siya ng sinumang taksil.)
Dalawa ang quo warranto cases laban sa kanya. Quo warranto, ibig-sabihin walang bisa ang anumang opisyal na ginawa niya. Una ang pagka-mayor ng Bamban, Tarlac, sinampa ng Office of the Solicitor General. Wala itong bisa kasi Chinese citizen siya, hindi Pilipino, kaya bawal maging opisyal.
Ikalawa ang birth cirtificate niya mula sa Philippine Statistics Authority. Peke ang late registration ng certificate na ‘yon. Batayan: NBI fingerprint records na Chinese immigrant pala siya.
Karumal-dumal, walang piyansa ang sakdal ng PAOCC na qualified human trafficking ng 874 dayuhan at Pilipino sa Baofu Land Development Inc. Patuloy na opensa ang sakdal na ‘yon. Sangkot si Guo bilang may-ari ng lupa ng pasugalan. Bilang may-ari, dapat tiniyak niya na walang nagaganap na ilegal doon, ani Casio.
Maski palusot ni Guo na tumiwalag na siya sa Baofu nu’ng 2022, ani Casio, sangkot pa rin siya mula nang itatag ito nu’ng 2019 hanggang mag-divest siya nu’ng 2021. Bukod du’n peke raw ang divestment niya, batay sa papeles na nasabat sa PAOCC raid.
Isa pang sakdal ang money laundering. Nu’ng 2019 nagtayo ang Baofu ng 37 gusali sa gilid ng munisipyo ng Bamban. Pitong ektaryang lupa na pag-aari ni Guo hanggang ngayon.
Halagang P6.187 bilyon ang 35 mansyon, isang 8-story condo, at 8-story mall. May tunnels at crisis rooms—kung saan nakaimbak ang tubig at pagkain, kaya puwedeng pagtaguan nang matagal.
Ayaw ipaliwanag ni Guo kung saan galing ang pera.
(Itutuloy)
- Latest