VP Sara mamumuno raw sa oposisyon
PINAKAMALAKAS ang palakpak ni Harry Roque, tagapagsalita ng angkang Duterte, nu’ng mag-resign si VP Sara Duterte bilang Education Secretary. Hudyat daw ito na pamumunuan na mula ngayon ni VP Sara ang oposisyon.
Ang hirap paniwalaan nu’n. Ang depenisyon kasi ng oposisyon ay alternatibong programa kaysa administrasyon. Wala namang makikitang pinagkaiba si VP Sara kay President Bongbong Marcos Jr. Tila iisang hibla sila.
Maka-China si VP Sara. Maka-America si President Marcos. Tanong ng mga kritiko nila kung kailan sila magiging maka-Pilipino.
Pareho silang pabaya sa isyu ng edukasyon. Tatlong dekada namuno sina Rody Duterte at VP Sara sa Davao City. Ang laki ng taunang budget nila. Pero ni isang paaralan ay wala silang naitatag.
Hindi manlang sinuri ni President Marcos ang masamang record na’yon ng mga Duterte bago niya italaga si VP Sara bilang Education Secretary. Walang pahalaga si President Marcos sa sariling pagkolehiyo, batikos ng mga kritiko.
Higit sa lahat, parehong miyembro si VP Sara at President Marcos ng political dynasties. Tatlumpung-taon naghalinhinan sila Rody at Sara Duterte bilang mayor at vice sa Davao City. Naghalinhinan din sila sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.
Ngayong VP si Sara, Congressman ang kuya niyang si Paolo at Mayor ang mas batang kapatid na si Sebastian.
Nu’ng Dekada ’80 naging governor ng Ilocos si Marcos Jr. Presidente noon ang ama na si Ferdinand Marcos Sr. at Minister of Human Settlements ang ina na si Imelda Romualdez Marcos.
Ngayong President si Marcos Jr, congressman ang anak niyang si Sandro at senator ang ate na si Imee.
Labag sa Konstitusyon ang political dynasties.
- Latest