1-milyong puno para sa luntiang Pangasinan
Nangangarap ang Pangasinan na maibalik ang luntiang kapaligiran. Isang milyong puno ang nais itanim sa probinsya bilang panangga sa init, proteksiyon sa baha at pagguho ng lupa.
Malalaking hakbang na ang naisagawa ng The Green Canopy Project ni Gov. Ramon Guico III mula nang ilunsad ito noong nakaraang taon. Sa katunayan, bubuksan sa 2025 sa publiko ang isa sa mga proyektong nakapaloob sa The Green Canopy Project na 20-ektaryang Pangasinan Eco Park sa Bgy. Cayanga, Bugallon bilang tourist attraction.
Isang animo’y paaralan sa labas ng apat na sulok ng silid aralan ang eco park dahil mayroong 2.71-hectare botanical garden, organic production area, at 3.81-ektaryang orchard, pati swimming pool, view deck at campsite kung saan matututo ang mga kabataan na mangalaga sa kapaligiran. Kukumpletuhin ang eco park ng cable car ride at shooting range kung adventure ang hanap ng mga bibisita.
Nananawagan si Guico sa mamamayan, local government units na isabuhay ang kultura ng boluntarismo. Bukod sa hangaring maging luntian uli ang Pangasinan, pinapangarap din ni Guico na manumbalik ang kulturang pagtutulungan at bayanihan sa probinsiya.
Malayu-layo na ang narating ng The Green Canopy project. Halos 300,000 seedlings na ang naitanim mula 2023. Nabuhay muli ang mangroves sa Bolinao dahil sa tree-planting ng volunteers.
Sana’y angkinin mismo ng mga Pangasinense’ ang proyekto bilang kanilang proyekto upang magtagumpay ang hangarin ng probinsiya. Ang hakbang ng bawat isa ay mahalaga.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest