Wala nang gana
Isiniwalat ni Sen. Raffy Tulfo ang kanyang napansin nang ibigay sa kanya ng PCSO ang mga pangalan ng mga nanalo na sa lotto. Napansin niya na sa loob ng isang buwan, isang tao ang nanalo ng 20 beses. “Medyo nakatataas ng kilay,” ang pahayag ni Tulfo, na nangunguna sa imbestigasyon sa intergridad ng mga laro ng PCSO, partikular ang lotto. Ang kanyang kinikuwestiyon ay bakit nang magsimula ang e-lotto, sunud-sunod na ang mga tumatama. Magkakaroon ng karagdagang hearing sa Senado sa Marso 18.
Agad dumepensa si PCSO General Manager Melquiades Robles na ang napapanalunang mga laro ay minor games at hindi mga major games tulad ng 6/42 hanggang 6/58. Makikita raw sa listahan na ibinigay kay Tulfo na walang nanalo ng dalawang beses sa major games. Baka raw may pinakikiusapang tao na kumubra ng mga napanalunan kaya lumalabas isang pangalan lang.
Ito naman ang masasabi ko dyan. Ang Lotto 2D at 3D ay hindi lumalampas ng P10,000 ang mapapanalunan, kaya hindi kailangang sa PCSO pa pumunta para makuha ang napanalunan. Sa outlet pa lang makukuha na ang pera. Hindi nililista ang pangalan. Kaya kung sasabihin ng PCSO na minor games lang, ang 4D at 6D lang ang lumalampas ng P10,000 kung saan sa PCSO na dapat makuha ang pera. Doon malilista ang kanilang pangalan.
Ang 4D at 6D ay parehong tatlong beses sa isang linggo ang bola. Kaya sa loob ng isang buwan, 12 o 13 beses ang bola ng 4D, ganundin ang 6D. Kaya sa isang buwan, nasa 24 o 26 lang ang bilang ng bola ng 4D at 6D. Kung 20 beses lumabas ang isang pangalan, apat o anim na beses lang siya hindi tumama? At kung sasabihin ninyo na baka “paki-claim” ang nangyayari, lahat sila kilala ang isang taong iyan? Lahat nasa isang barangay o lugar lang? Parang mahirap paniwalaan ang inyong paliwanag.
Nawawalan na ng gana ang tao na tumaya sa mga lotto nang magsimula ang sunud-sunod na isyu. Pinatunayan ito ng ilang lotto outlets. Bumaba ang kani-kanilang benta. Una, yung dinoktor na litrato. Pangalawa, yung nagkaproblema ang pagbola ng 3D. Pangatlo, yung sunud-sunod na tumama ng higit P500 milyong jackpot noong Disyembre 2023.
At ngayon, itong isiniwalat ni Sen. Tulfo. Baka mas lalong mawalan ng gana ang tumaya sa lotto dahil dito. Masisisi ba sila? Para sa marami, natanggalan sila ng pag-asa para sa mas maginhawang buhay, binawian ng mga pangarap. Alam kong may nananalo sa lotto. Pero hindi ganitong sunud-sunod. Sa ibang bansa, buwan ang inaabot bago may manalo. Matinding paliwanag ang kailangang gawin ng PCSO kung nais nilang bumalik ang tiwala ng tao sa kanila. Tandaan, may mga umaasa sa PCSO para sa kanilang mga gamot, pagpapagamot, dialysis at iba pa. Kung bumaba nang husto ang benta sa lotto, pati mga tunay na nangangailangan ay talo rin.
- Latest