Kambal na tagumpay
Magandang balita na naman ang natanggap ng ating lungsod matapos tayong parangalan ng dalawang prestihiyosong organisasyon.
Pinarangalan ang makabagong programa ng ating siyudad, ang Quezon City Birth Registration Online (QC BRO), bilang isa sa 10 nanalo sa 2024 Galing Pook Awards.
Inilunsad ang QC BRO noong 2022 matapos mapag-alaman na marami pa ring bata sa ating siyudad ang wala pang birth certificate bunsod ng hirap ng proseso.
Nakita agad ang bunga ng programang ito dahil mula nang ito’y maipatupad, nasa 59,126 bata na ang naiparehistro nang walang gastos sa kanilang mga magulang.
Sa bisa ng City Ordinance SP-3198, S-2023, obligado na ang lahat ng mga ospital at birthing facilities sa ating siyudad na gamitin ang QC BRO system.
Sa pamamagitan nito, sigurado na lahat ng batang isinisilang sa ating lungsod ay mapaparehistro.
Malaking tulong ang programang ito bilang pagkukunan ng datos para sa mga programa ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, gaya ng City Planning, Health, GAD, at Social Services.
Bukod sa QC BRO, finalist din sa Galing Pook Award ang Human Milk Bank Program, na finalist din noong 2020.
Sa ikalawang sunod na taon naman, natamo ng lokal na pamahalaan ang “Most Business-Friendly LGU” award sa kategoryang highly urbanized cities ng National Capital Region (NCR) mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Nakakataba ng puso ang parangal na ito mula sa PCCI na binubuo ng malalaking pangalan sa larangan ng pagnenegosyo.
Isa pang award mula sa PCCI ay ituturing na tayong Hall of Famer, na unang nakamit ng Lungsod Quezon sa ilalim ng aking ama na si dating Mayor Sonny Belmonte.
Patunay ang mga parangal na ito na tayo’y tumatahak sa tamang landas pagdating sa ating mga programa na layong paigtingin pa ang pagnenegosyo sa ating siyudad at pagsisilbi sa QCitizens.
Dahil sa mga parangal na ito, lalo pa tayong ginaganahan at nagiging inspirado sa paglilingkod at pagbalangkas ng marami pang kapaki-pakinabang na programa para sa QCitizens.
- Latest