Mga senador na sumatsat alisin sa impeachment trial
ISA si Bato Dela Rosa sa 24 senador na didinig sa impeachment case ni VP Sara Duterte. Noon pang Enero sinabihan na sila ni Senate President Chiz Escudero na huwag sumatsat tungkol sa kaso. Ito’y para hindi sila maakusahang may kinikilingang panig. Pero hindi mapigilan ni Dela Rosa ang sarili. Noong Mayo 23 ay sumatsat siya sa reporters:
“I am confident [na ma-a-acquit siya] dahil nakikita ko naman na yung ibang alam natin na hindi namin kaalyado ay nagbabago na yung stand. The numbers are growing as far as our side is concern.”
Ibig sabihin sa sinatsat ni Dela Rosa ay nagbibilang na siya ng mga kamay ku’ng sino ang boboto ng absuwelto.

Hindi siya natapos do’n. Nang tanungin ku’ng merong siyam na boto si Duterte para mapawalangsala, sumagot agad si Dela Rosa:
“Baka sobra pa.”
Hinayaan na lang sana ni Dela Rosa ang mamamayan at media manghula kung sino ang boboto ng guilty o not guilty. Tulad ng paglilitis ng isang sensational na kaso, hindi dapat magsalita ang huwes. Pero malaya ang mamamayan at media magsuri kung ano ang kahihinatnan ng paglilitis.
Sa impeachment trial rules ng Senado, maaring alisin ang senador na halatang may pinapanigan antemano. Bukod kay Dela Rosa, sumatsat din nang maka-Sara sina Robin Padilla, Imee Marcos, at Jinggoy Estrada.
Si Robin ay hepe ng PDP-Laban ni ex-President Rody Duterte, ama ni Sara. Si Imee ay kontra sa admin ng kapatid na President Bongbong Marcos at pinsan na Speaker Martin Romualdez. Si Jinggoy ay pinalaya ni President Duterte sa non-bailable na kasong plunder.
Sa July 30 nakatakdang magsimula ang impeachment trial. Baka ni hindi makadalo si Dela Rosa. Nasa Pilipinas ngayon ang prosecution-investigators ng International Criminal Court. Sinusuri kung dapat, tulad ni Duterte, kasuhan din siya ng crimes against humanity.
- Latest