Ginawang halimbawa
SINUSPINDE ng LTO ng 90 araw ang lisensiya ng rider na tinakpan ang plaka ng kanyang motorsiklo sakaling mahuli ng No Contact Apprehension Policy (NCAP). Kung trabaho niya ang maging rider, tatlong buwan siyang walang kita. Tila ginawa siyang halimbawa ng LTO para hindi na gayahin ng ibang riders.
May narinig ako na may nagsabing wala namang batas na nagbabawal takpan ang plaka. Napailing na lang ako sa ganitong pangangatwiran. Wala rin namang batas na nagbabawal magsuot ng face mask, madilim na salamin at sumbrero kapag pumapasok ng banko pero sigurado akong magiging listo ang mga guwardiya.
Libong motorista na ang nahuhuli ng NCAP. Nais kong makita kung gaano kahaba ang linya ng mga may angal sa kanilang paghuli. Kung sakaling tama ang paghuli, maraming multa ang makokolekta ng LTO. Sana mapunta ang pondo sa patuloy na pagsasaayos ng trapik sa Metro Manila.
Nais ko ring makita kung naging disiplinado ang mga driver at rider mula nang ipinatupad ang NCAP. May utos si President Bongbong Marcos Jr. sa lahat ng kinaukulang ahensiya na maging mahigpit sa pagpapatupad ng disiplina sa daan. Dapat itong pangalawang linggo ay mapapansin na iyan. Samantala, ipinagpaliban ni PBBM ang EDSA rehabilitation kaya hindi na tuloy ang odd-even scheme.
Sinuspindi na rin ng LTO ng tatlong buwan ang lisensiya ng mga sangkot sa malubhang aksidente tulad ng SUV na sumalpok sa entrance ng NAIA Terminal 1 at ang trak na tumaob sa Quezon City at iba pa. Panahon na talaga para maging mahigpit ang MMDA, LTO at PNP sa kalsada. Wala nang takot ang marami na lumabag sa batas-trapiko.
Dapat maging mahigpit na rin sila sa pag-inspeksiyon ng mga sasakyan. Gasgas na gasgas na ang dahilang “nawalan ng preno” kaya naaksidente. Hindi na dapat maging katwiran ito. May responsibilidad ang lahat na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan. Pati ang pagbigay ng lisensiya sa mga bagong nagmamaneho. May mga ipinasarang driving school ang LTO dahil sa pagbibigay ng pekeng sertipikasyon sa mga nais magkalisensiya. Iyan ang dahilan kaya may mga kamoteng drayber.
- Latest















