Masakit na tuhod
KAPAG edad 40 pataas, makakaramdam na ng pananakit ng tuhod. Pangunahing dahilan ng pagsakit ng tuhod ay arthritis. Kung mabigat ang timbang, mas maagang sasakit ang tuhod. Kung sobra sa ehersisyo, tulad ng mga runner, kickboxer o basketball player, puwedeng sumakit ang tuhod.
Ano ang mga dapat iwasan para hindi sumakit ang tuhod?
1. Huwag magbuhat nang mabibigat.
2. Huwag palaging umakyat at bumaba sa hagdanan.
3. Huwag tumayo o maglakad nang matagal. Umupo paminsan-minsan at magpahinga. Mas relaks ang tuhod kapag nakaupo.
4. Huwag mag-high heels. Malaki ang stress nito sa tuhod.
5. Huwag lumuhod sa sahig. Nakasisira ito ng tuhod. Kapag nasa simbahan, gamitin ang malambot na kutson para sa tuhod.
6. Kung sobra sa timbang, magpapayat. Hindi kaya ng tuhod ang bigat ng tiyan.
7. Bumili ng rubber shoes o malambot na sapatos. Mag-tsinelas ng makapal ang suwelas. Makatutulong ito para hindi matagtag ang tuhod.
8. Palakasin ang masel sa ating hita. May mga ehersisyo para rito. Puwede ang stationary bike o magbending exercise ng bahagya lang. Masama ang sobrang pagbaluktot ng tuhod lampas sa 90 degrees.
9. Kapag umiinit ang tuhod sa matagalang paglalakad, puwedeng lagyan ng malamig na bag o cold compress.
10. Palakasin ang buto. Uminom ng skim milk dahil marami itong calcium. Para sa mga kababaihan, uminom din ng calcium supplements.
- Latest















