Orange at dilaw na prutas at gulay
ANG mga prutas at gulay na kulay orange at dilaw ay mabuti sa ating mata, balat, baga at immune system. Ang mga pagkaing ito ay may taglay na beta-carotene (vitamin A), lycopene, flavonoids, potassium, at vitamin C. Makatutulong ang mga sangkap na ito para maiwasan ang sakit sa mata (age-related macular degeneration), mapababa ang bad cholesterol at maiwasan ang kanser. Narito ang ilang halimbawa:
1. Karots – Ang karots ay makatutulong sa ating paningin, balat at panlaban din sa kanser dahil sa taglay nitong Vitamin A, C at E. Ayon sa ilang pagsusuri, ang karots ay makababawas sa tsansang magkaroon ng kanser. Nagpapasigla rin ito ng balat at nababawasan ang wrinkles. Isa pa, nakakapayat din ito dahil 35 calories lang ang kalahating tasa ng karots.
2. Kamote – Ang kamote ay mayaman sa starch, fiber, beta-carotene, folate, potassium at vitamin B6, C at E. Napakasustansya nito at mabilis makabusog. Ayon sa pag-aaral, ang kamote ay maaring makapigil sa pagkakaroon ng lung cancer sa mga taong naninigarilyo.
3. Orange, lemon, dalandan at kalamansi – Ang mga prutas na ito, na kung tawagin ay citrus fruits, ay punumpuno ng vitamin C. Makatutulong ang vitamin C sa mga may sipon, hika, osteoarthritis at rheumatoid arthritis. Pinalalakas nito ang immune system ng katawan. May taglay din itong folate at potassium. Ang folate ay nagpapababa ng isang masamang kemikal sa katawan (homocysteine) at makatutulong sa may sakit sa puso.
4. Pinya – Ang pinya ay may sangkap na bromelain, na makatutulong sa pagtunaw ng ating pagkain at makababawas sa pamamamaga sa ugat. Mayaman ito sa vitamin C, manganese at vitamin B na nagbibigay ng lakas.
5. Papaya – Ang papaya ay may beta-carotene at vitamin C. Dahil dito, may benepisyo ito sa ating balat at immune system. Ang papaya ay may taglay na papain, isang enzyme na tumutulong sa pagtunaw ng ating kinain. Para sa mga taong nagtitibi, ang papaya ay nagpapalambot ng dumi.
- Latest