EDITORYAL - Kawalan ng disiplina, ugat ng trahedya sa kalsada
Noong nakaraang taon, maraming malalagim na trahedya ang nangyari sa kalsada kabilang na ang pagkahulog ng mga bus sa bangin na ikinamatay ng mga pasahero. Gaya ng nangyari sa Ceres bus na nahulog sa bangin sa Hamtic, Antique na ikinamatay ng 19 na pasahero noong Disyembre 12, 2023. Mabilis umano ang takbo ng bus habang nasa kurbada. Nawalan ng control sa manibela ang drayber at nahulog.
Walo naman ang namatay matapos araruhin ng trailer truck sa Barangay Mambugan, Antipolo City, Rizal. Naghihintay ng masasakyan ang mga biktima nang rumaragasang dumating ang truck at tumbukin ang mga ito. Ilan sa mga biktima ang namatay sa ospital.
Sa report ng World Health Organizations (WHO), 1.3 milyong katao ang namamatay taun-taon sa buong mundo dahil sa aksidente sa kalsada. Sa Pilipinas, 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente sa kalsada.
Ang mga malalagim na pangyayaring ito ay isinisisi sa mga walang disiplinang drayber na nagpatuloy na nagmaneho kahit nalalaman nilang may depekto ang sasakyan. Mayroong nagmaneho na nasa impluwensiya ng alak at mayroong nagmaneho kahit inaantok o may karamdaman.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), umabot sa 529,578 na motorista ang kanilang nahuli noong 2023 dahil sa mga paglabag sa traffic regulations. Ilan sa mga paglabag ng motorista ay may kaugnayan sa smoke belching, hindi pagsusuot ng seatbelt at overloading.
Sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na sumunod sa batas trapiko ang mga motorista at panatilihin ang pagkakaroon ng disiplina. Paiigtingin umano ng LTO ang pagkakaroon ng presensiya ng traffic enforcers upang mapanatili at maiwasan ang aksidente sa kalsada. Kung magkakaroon ng disiplina, hindi magkakaroon ng problema sa pagbibiyahe. Mahigpit din umanong ipatutupad ang “no registration, no travel” policy. Ayon kay Mendoza, tinatayang 24.7 milyong sasakyan ang hindi rehistrado at patuloy na yumayaot sa mga lansangan. Nalalagay sa panganib ang mga pasahero at maski pedestrians kapag nasangkot sa aksidente ang mga hindi rehistradong sasakyan.
Isulong din naman ng LTO ang pag-educate sa mga bagong kukuha ng driver’s license para hindi sila maging mitsa ng mga aksidente sa kalsada. Marami ang nakakakuha ng lisensiya kahit walang kamuwangan sa mga batas trapiko. Makikita rin ang mga walang “utak” na drayber na nagpipilit dumaan sa EDSA bus lane kahit pinagbabawal. Ang gawaing ito ang isa sa dahilan ng aksidente.
Tutukan din ng LTO ang mga naglipanang e-bike sa major roads na ang nagmamaneho ay mga menor-de-edad. Ibawal ang e-bike para iwas disgrasya.
- Latest