Ibawal pagdadala ng baril sa labas ng bahay
Sumasang-ayon ako sa suhestiyon nang marami na ipagbawal ang pagdadala ng baril sa labas ng bahay. Tanging ang mga sundalo, pulis at mga security guards lang dapat ang may karapatang magdala ng baril kapag nasa labas. Maski ang mga pulis, sundalo at sekyu ay bawalang magdala kung hindi sila naka-duty.
Nasabi ko ito dahil sa nangyaring road rage na kinasangkutan ng isang dating pulis at siklista noong Agosto 8 sa Quezon City. Nagkagitgitan ang dalawa na humantong sa pambabatok at pagkasa ng baril ng dating pulis sa siklista.
Mabuti at nakunan ng video ang pangyayari at nagkaroon ng imbestigasyon. Kung walang nag-viral na video tiyak na hindi mabibigyan ng pansin ang ginawa ng dating pulis na “mainitin ang ulo” at nahirati sa pagkasa ng baril. Paano kung naiputok ang baril? Tiyak may buhay na nasayang.
Kaya ang aking suhestiyon na katulad din ng iba pang may pagmamahal sa kapayapaan, baguhin ng PNP ang sistema sa pagdadala ng baril. Ipagbawal na ang pagdadala ng baril ng mga sibilyan sa labas ng bahay. Kung maipatutupad ito, palagay ko, wala nang road rage. Wala nang mamamatay dahil lamang sa pag-aaway sa trapiko.
Sa ibang bansa nga—tulad ng Saudi Arabia at Thailand ay walang baril ang pulis. Masama ang baril. Lumalakas ang loob ng sinuman kapag mayroon nito. At huli na para niya malaman ang kasamaan ng baril kapag naiputok na niya sa kapwa.
Pakinggan sana ako ng PNP sa suhestiyon na ibawal ang pagdadala ng baril sa labas ng bahay. Ang mahuhuli ay parusahan nang mabigat.
Salamat po sa Pilipino Star NGAYON. — Paul DimaLabay, Valenzuela City
- Latest