Paano aagapan ang fatty liver
Ang fatty liver ay isang kondisyon kung saan nababalot ng taba ang atay. Kung may fatty liver ka, kadalasan ay mataas din ang iyong kolesterol sa dugo, blood sugar at uric acid. Malamang ay sobra ka rin sa timbang at malaki ang tiyan.
Sa umpisa, walang sintomas ang fatty liver. May ibang tao na sumasakit ang kanang bahagi ng tiyan. Ngunit kapag umabot sa liver cirrhosis, malala na ito at magkakaroon na ng paninilaw ng mata, pamamayat, paglaki ng tiyan at pamamanas ng paa.
Malalaman na may fatty liver ang pasyente sa pamamagitan ng ultrasound ng atay o ultrasound of the whole abdomen. Minsan ay lumalala ang fatty liver at umaabot sa pamamaga ng atay at liver cirrhosis.
Para maagapan ang fatty liver, sundin ang mga sumusunod na payo:
1. Itigil ang pag-inom ng alak. Kahit isang patak ng wine, beer or hard drinks ay huwag nang subukan pa. Ihinto na rin ang paninigarilyo.
2. Magpapayat kung sobra ka sa timbang. Kapag nagbawas ka ng timbang, puwedeng mabawasan din ang taba sa iyong atay.
3. Umiwas sa pagkain ng matataba at matatamis na pagkain. Limitahan ang pagkain ng cake, mantikilya, ice cream at karneng baboy at baka. Umiwas o bawasan na rin ang pag-inom ng matatamis na inumin tulad ng softdrinks at iced tea.
4. Kumain ng masustansyang pagkain tulad ng maberdeng gulay at isda. Puwedeng kumain ng prutas pero huwag din sosobrahan ito dahil ito’y matamis din.
5. Gumalaw-galaw at mag-ehersisyo. Kapag nabawasan ang taba sa iyong katawan, mababawasan din ang taba sa atay.
6. Kung ikaw ay may diabetes, gamutin ito sa tulong ng iyong doktor.
7. Kung mataas ang iyong kolesterol sa dugo, ibaba ito sa pamamagitan ng diyeta at gamot.
8. Kumain ng yogurt. Ayon sa isang pagsusuri, may tulong ang good bacteria ng yogurt sa paggamot sa fatty liver. Hindi pa ito tiyak pero puwede ninyong subukan.
9. Huwag basta-bastang uminom ng kahit anong tableta, supplements o vitamins. Huwag maniwala sa mga sabi-sabi. Itanong muna sa iyong doktor kung makasasama ba ito sa atay.
Sadyang dyeta, exercise at paggamot sa diabetes at mataas na kolesterol ang lunas sa fatty liver. Alagaan natin ang ating atay.
- Latest