^

PSN Opinyon

Jasmine Lee: Koreanang Pinay na minahal at kinutya

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Isang Pilipinang si Jasmine Bacurnay Lee na may edad na ngayong 47 anyos ang napatanyag at naging kontrobersiyal nang mahalal bilang miyembro ng National Assembly ng South Korea sa eleksyon doon noong Abril 2012. Gumawa siya rito ng kasaysayan nang siya ang maging unang natura-lized na Koreanang babae, unang dayuhan at lahing Pilipino na naging mambabatas sa natu-rang bansa. Napansin siya ng media sa Pilipinas at binigyang-pagkilala ng pamahalaan noon ni da-ting Pangulong Noynoy Aquino nang panahong iyon.

Gayunman, dahil isang homogenous society ang South Korea, nabiktima si Lee ng mga diskriminasyon, panlalait, batikos, pangungutya at paninira sa apat na taong panunungkulan niya roon bilang mambabatas dahil isa siyang lahing dayuhan. Nakakarami pa rin ang mga mamamayang Koreano na hindi matanggap na magkaroon sila ng pulitiko na iba ang lahi. Naging kakaiba ang sitwasyon ni Jasmine.  Itinuring siyang isa sa kinamumuhiang babae sa South Korea.   Pero hindi nagpatinag si Jasmine sa mga panlalait sa kanya dahil sa patuloy na pagmamahal at suporta sa kanya ng kanyang pamilya, mga kaibigan at ibang mga Koreano. Tila naman nakaapekto ang mga diskriminasyon at panlalait na iyon dahil hindi na siya muling nahalal pagkatapos ng panunungkulan niya noong 2016.

Nakilala si Jasmine sa pagtataguyod sa kapa-kanan ng mga migran-teng manggagawa at mga dayuhang nagkapag-asawa ng Koreano. Naging modelo siya ng tinatawag na diversity at multiculturalism.

Sa kasalukuyan, ayon sa isang artikulo sa Philippine News Agency, kahit hindi na siya mambabatas, ipinagpapatuloy pa rin niya ang kanyang adbokasya bilang civil servant, lecturer at radio host sa pamamagitan ng kanyang program na  “Diverse Voices”.  Naging boses siya ng mga migrante sa naturang bansa. Bago siya pumalaot sa pulitika, una siyang nakilala bilang television personality at movie actress sa South Korea. Hindi malinaw kung babalik pa siya sa pulitika pero nabatid na naging miyembro siya ng isang minoryang partido na Justice Party roon noong 2019.

Walang ibang nakalaang datos sa da-ting buhay niya noon sa Pilipinas, maliban sa siya ay ipinanganak sa Davao City noong Enero 6, 1977; sa kanyang dalagang pangalan na Jasmine Villanueva Bacurnay.  Sa kolehiyo, nag-aaral siya ng kursong Biology sa Ateneo de Davao University nang makilala niya ang napa-ngasawa niyang seaman na Koreano na si Lee Dong-Ho sa Davao del Norte noong 1994.  Nagpakasal sila at nagsama sa South Korea noong 1996 sa edad niyang 19 anyos at nagkaroon ng dalawang anak. Naging naturalized South Korean citizen si Jasmine noong 1998 makaraang mag-aral siya ng wikang Koreano. Namatay sa aksidente ang mister niya noong 2010.

Mula noong 2006, naging translator siya ng mga documentaries at panelist sa KBS program na “Love in Asia” na nagdodokumento ng mga kuwento ng mga pamilya sa South Korea na may magkakahalong lahi. Lumabas siya sa isang Korean language program  sa educational channel na EBS. Bilang aktres, lumabas siya sa mga pelikulang “Punch” noong 2011 at “Secret Reunion noong 2010.” Noong Enero 2012, si Jasmine ang naging u-nang Filipino na nakatanggap ng Korea Image Millstone Award mula sa Corea Image Communication Institute (CICI). Kinilala siya sa kanyang mga volunteer at charity works para sa mga dayuhan sa South Korea.  Regular siyang naglelektyur sa mga teacher at student leaders hinggil sa multiculturalism.

Naging kakatwa na sikat na sikat siya sa mga Koreano noong lumalabas siya sa telebisyon at pelikula. Nagbago ang sitwasyon nang puma-laot siya sa pulitika. “I used to be loved by eve-ryone, then suddenly everyone hated me,” sabi niya sa  HuffPost Korea. “I didn’t expect it when I first agreed to enter politics.”

Sabi niya sa ibang panayam, lumalaki ang dalawa niyang anak sa panahon na hindi pa ganap na umuunlad ang konsepto ng multicultu-ralism sa South Korea. Isa iyong tungkuling nais niyang hawakan kung kahit paano ay bahagyang mapapabuti rito ang lipunan para sa kanyang mga anak.

Si Jasmine rin ang unang dayuhang naging empleyado sa Foreign Residents Assistance Division of the Seoul Me-tropolitan Government nang makapagtrabaho siya rito. Nang mapa-sama siya sa Waterdrop Society, isang grupo ng mga dayuhang asawa ng mga Koreano, napansin siya ng Grand National Party na dating pangalan ng Saenuri Party. Inalok siyang sumama rito at pumalaot sa pulitika.

Sa isang eleksyon noong Abril 11, 2012, nahalal si Jasmine bilang isang proportional representative sa National Assembly ng South Korea. Ang pagkapanalo niya ay resulta ng pagkapanalo ng ruling Saenuri Party na kinabibilangan niya noon.  Sa National Assembly, naging miyembro siya ng  Gender Equality and Family Committee at ng Foreign Affairs and Unification Committee. Naging boses siya ng mga migranteng pamilya sa Korea kabilang ang mga Pilipino na asawa ng mga Koreano.

Sabi pa ni Jasmine sa isang panayam, pinakamahalaga sa kanya ang kanyang mga anak. “Nalaman ko na ang mga bata na nagmumula sa mga pamilyang magkakahalo ang lahi ay luma-laking walang tinitingilang modelo. Kaya naisip kong subukan kung makakatulong ako na makinabang sa lipunan ang kahit o.oo1 porsi-yento ng mga bata mula sa ganitong pamilya sa pamamagitan ng pagpasok sa pulitika. Naisip ko na dapat kong gawin ito kahit ano pa ang maging kritisismo o implikasyon,” sabi niya sa wikang Ing-les. “At naniniwala ako na, kung makikinabang dito ang mga anak ng mga multicultural families, makikinabang kung ganon ang lahat ng mga batang Koreano.”

* * * * * * * *

Email- [email protected]

CICI

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with