Paano maiiwasan, sakit sa puso at altapresyon
Ano ang dahilan at nagkakasakit sa puso?
Ayon sa American Heart Association, may siyam na dahilan kung bakit nagkakasakit sa puso at altapresyon:
1. Nagkakaedad—Dumarami ang nagkakaroon ng altapresyon habang tumatanda.
2. Mga lalaki—Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng altapresyon at sakit sa puso ang mga lalaki, kaya mas dapat silang mag-ingat at magpa-check up ng maaga. Mas maraming lalaki ang naninigarilyo, umiinom ng alak at ayaw magpa-check up.
3. Lahi ng pamilya—Ang altapresyon ay maaaring mamana mula sa mga magulang. Kung may kamag-anak kayo na maagang namatay sa sakit sa puso na wala pang 50-anyos, magpakunsulta sa inyong doktor.
4. Pagkaing maaalat at matataba—Ang maalat na pagkain ay nagpapataas ng presyon ng dugo at nagbibigay ng manas sa paa. Ang matatabang pagkain naman ay nagdudulot ng pagbabara sa ugat ng ating puso at utak.
5. Sobrang katabaan—Dahil dito, ang puso ay mas puwersadong bumomba ng dugo. Ang puso natin ay maihahalintulad sa makina ng kotse. Kapag kinargahan mo ng dalawang tonelada ang kotse, masisira ang makina at gulong nito. Ganundin ang katawan natin, kapag kinargahan ng taba at 30 pounds, para na ring nagbitbit ng 30 pounds. Masisira agad ang puso at tuhod.
6. Hindi aktibong pamumuhay—Maging magalaw at maliksi. Gumamit ng hagdanan. Kung kulang ka sa ehersisyo, mas mataas ang posibilidad na ika’y tumaba.
7. Sobrang alak—Ang pag-inom ng sobrang alak ay may masamang epekto sa puso, atay, sikmura at utak.
8. Paninigarilyo – Ito ay nakapagpapakipot sa mga ugat at nagiging sanhi ng hindi magandang pagdaloy ng ating dugo.
9. Stress o tension—Ang stress ay nakapagpapataas ng presyon dulot ng sobrang pagkapagod ng katawang pisikal, lalong-lalo na ng isip at emosyon. Don’t worry, be happy.
- Latest