Tips sa tamang pag-inom ng tubig
Mainit ang panahon ngayon kaya kailangang uminom ng sapat na tubig para hindi ma-dehydrate. Narito ang tips sa tamang pag-inom ng tubig.
1. Uminom ng 8-10 basong tubig bawat araw. Kung may edad o mahina ang puso, puwede na ang 4 o 5 basong tubig lamang. Huwag lalampas sa 16 basong tubig sa isang araw dahil baka masyadong lumabnaw ang ating dugo.
2. Konti-konti lang ang pag-inom ng tubig. Mga 3 o 4 na lagok lang. Huwag biglang uminom ng 2 basong tubig lalo na kung may edad dahil baka malunod ang inyong puso. Ang pag-inom ng pakonti-konti ay maganda ding panlaban sa pangangasim ng sikmura dahil nalilinis nito ang asido sa tiyan.
3. Pagkagising sa umaga, uminom ng isang basong tubig. Ito’y dahil kulang tayo sa tubig o dehydrated na sa umaga. Nililinis din nito ang ating kidneys at pantog.
4. Sa mga may lahi ng kidney stones, o bato sa bato, kailangan ninyong uminom ng tubig bago matulog sa gabi. Ito’y para hindi magbuo ang kidney stones sa gabi.
5. Uminom ng mas maraming tubig habang nag-eehersisyo. Kapag malakas kayo magpawis, kailangang uminom ng isang basong tubig bawat 30 minutos ng ehersisyo. Kumain na rin ng saging para hindi bumaba ang potassium sa dugo.
6. Kapag nanunuyo ang inyong lalamunan, may sipon o ubo, uminom din ng mas maraming tubig para lumabnaw at mailabas ang plema.
7. Sa mga nagbi-breastfeeding, damihan ang inom ng tubig para sa inyo at sa inyong sanggol. Ayon sa Mayo Clinic sa America, kailangan ng bagong panganak ng 12 o 13 basong tubig sa buong araw habang nagpapasuso.
8. Siguraduhing malinis at ligtas ang inyong tubig. Huwag makipagsapalaran dahil puwedeng magdulot ng typhoid fever at gastroenteritis ang maruming tubig.
9. Ang tubig ay nagpapaganda sa ating balat. Kapag kulang sa tubig, kukulubot ang balat. Ngunit kung may sapat na tubig, magiging makinis at malambot ang kutis.
10. Tingnan ang kulay ng ihi para malaman kung kulang sa tubig o hindi. Kapag madilaw o kulay orange ang inyong ihi, kailangan nang uminom ng tubig.
11. Kung hindi kayo mahilig sa tubig, puwede ring kumain nang maraming pakwan na punumpuno ng tubig at may bitamina pa.
- Latest