Pinaka-kumpletong mapa ng Islas Filipinas, 1875
BINIGYAN ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio ang Department of National Defense ng pinaka-kumpletong sinaunang mapa ng kapuluan. Tinanggap ito ni Defense Sec. Gilberto Teodoro.
Bahagi si Carpio sa lupon na nanalo ng The Hague 2016 Arbitration kontra China. Sinumite ru’n ang 1875 Carta General del Archipielago Filipino.
Nakadetalye sa mapa ang teritoryo ng Pilipinas nu’ng rehimeng Kastila. Nilathala ang orihinal sa Madrid ng Direccion Hydrografia, sa ilalim ni Capt. Claudio Montero.
Itinama ng 1875 mapa ang maliliit na mali ng bersyong 1808. Ang mas bago ay may “depth soundings” o lalim ng mga tubigdagat.
Markado ang Corregidor sa bunganga ng Manila Bay ng katagang Kastilang “Punto de Mandato”. Ibig sabihin sa Ingles ay “Command Post”, o “Hurisdiksyon” ng Pilipinas.
Sa kanluran ay Bajo de Masiloc o Panacot (Scarborough Shoal). Mas kaliwa pa ang Pag-asa at mga karatig na bahura ng Spratly Islands. Markado ring “Punto de Mandato”. Dati na nating teritoryo.
Apat na beses nilathala ng rehimeng America ang 1875 mapa. Sa 1928 Islas Palmas arbitration ng America kontra Netherlands, dineklara ng America na opisyal na mapa ito ng España at America.
Sinumite ang 1875 mapa, 1808 orihinal, at 1734 Murillo Vellarde map sa 2016 The Hague arbitration ng Pilipinas kontra China. Ipinakita ru’n na 200-300 taon na natin teritoryo ang Scarborough at Spratlys.
Taon 1947 lang inangkin ng China ang Scarborough at Spratlys. Ang tanging batayan niya ay kathang-isip na “nine-dash line”. Wala silang batayang dokumento o mapa. Kumbaga, laway lang.
Talo ang China sa legal, kaya dinadaan nito sa dahas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest