Unang bilyonaryo sa outer space
Nu’ng Hulyo 20 lumipad sa outer space si Jeff Bezos, may-ari ng Amazon. Tatlo ang kasama niya sa space capsule na gawa ng kumpanya niyang Blue Origin. Inakyat sila ng rocket sa 100 km altitude, tapos lumapag ang rocket at nag-parachute pababa ang New Shepard capsule.
Pero dine-debate kung si Bezos ang “unang bilyonaryo sa space.” Noon kasing July 11, nang ianunsiyo ni Bezos ang petsa ng paglipad, ibinida naman ni Richard Branson, may-ari ng Virgin Galactica, na kababalik lang niya mula sa altitude 85 km. Kasama ni Branson ang dalawang piloto at tatlo pang pasahero. Natalo ba ni Branson si Bezos?
Ang sagot ay nasa depinisyon ng “space”. Anang Aeronautics International Federation, ito’y nagsisimula sa Kármán line. Sa mahigit 100 km altitude raw, dahil sa nipis ng hangin, dapat mas bumilis ang spacecraft para maka-orbit. Puntos ‘yon kay Amerikanong Bezos.
Pero anang United States Air Force nagsisimula ang space sa mesosphere, 80 km altitude na unang naabot ng pilotong Amerikano. Suportado ito ng US National Aeronautics and Space Administration, miski kasali ito sa AIF. Puntos naman ito para kay Branson, na British.
Ipinangalan ang space capsule ni Bezos kay Alan Shepard, Amerikanong astronaut na unang nakaabot sa 100 km altitude Kármán line. Pinili niya ang petsang July 20 para gunitain ang araw ng paglapag sa Buwan ng Apollo-11 lunar module. Kasunod na project niya ay maging “unang bilyonaryo um-orbit” sa Earth. Sasakyan ang New Glenn, Amerikanong astronaut na unang nakagawa nu’n.
Pero nakikipag-unahan sa planong orbit si Elon Musk, sakay ng Dragon capsule ng kumpanya niyang SpaceX. Imbitado sumakay ang kapwa bilyonaryo na magbabayad ng $250,000 (P12.5 milyon).
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest