^

PSN Opinyon

3 sintomas sa babae na dapat masuri; Mataas na cholesterol

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Sa kababaihan, kung mayroon kayo ng mga sumusunod na sintomas, magpatingin sa doktor:

1. May bukol sa suso, kahit gaano kaliit.

Mga 10% ng mga kababaihan na may bukol sa dibdib ang nagkakaroon ng kanser. Minsan, normal na may mga bukol sa suso na nagsama-sama (tinatawag na fibroadenoma), o kung minsan ay cyst lamang. Karaniwan na nagkakaroon ng mga maliit na bukol kung parating na ang regla. Pero kung hindi ka sigurado sa sanhi ng bukol­, kinakailangan magpatigin sa surgeon o doktor. Dahil ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng babae sa kanser ay breast cancer.

2. Abnormal na pagdurugo.

Maraming bagay ang nakaaapekto sa regla ng babae­, tulad ng pagbaba ng timbang, sobrang ehersisyo at stress. Madalas na kusa itong bumabalik sa normal at hindi­ na kailangang gamutin. Ngunit kung ang iyong regla ay patuloy na hindi regular, malakas o mas tumatagal ang pagdurugo, dapat ng kumonsulta sa OB-Gyne. Kung may pagdurugo pagkatapos ng pagtatalik, o sa pagitan ng iyong regla, magpa-check-up din. Kung naranasan ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause, maaari isa itong tanda ng kanser.

3. Hindi normal na discharge.

Ang normal na discharge mula sa puwerta ay malinaw o puti ang kulay at walang amoy. Pero kung ang dis­charge ay kulay dilaw, brown o pula, at may mabahong amoy, maaaring tanda ito ng mga sakit. Ang kadalasan dahilan ng ganitong discharge ay impeksiyon tulad ng bacterial vaginosis o thrush, at mga STD tulad ng chlamydia, gonorrhea, herpes at trichomoniasis.

Kung hindi magamot ang STD ay maaaring humantong ito sa pelvic inflammatory disease  impeksiyon sa reproductive organs, na maaaring maging malubha at mawalan ng kakayahan na magbuntis ang babae. Posible rin na kanser sa cervix (kuwelyo ng matris) ang dahilan ng abnormal na discharge. Kumonsulta sa OB-Gyne.

* * *

Mataas ang cholesterol

ANG normal level ng cholesterol ay 200 mg/dl. Kung mataas dito, gawin ang mga sumusunod:

1. Ipasuri kung tama ang blood test.

Minsan, nagkakamali ang mga laboratory sa blood test. Sigurado ka bang hindi ka kumain sa loob ng 10 oras bago kunan ng dugo? Huwag munang matakot. Subukan munang mag-diyeta at mag-ehersisyo. Pagkatapos ng dalawang buwan, ipaulit ang blood test.

2. Kumain nang tama.

Mahal ang gamutan sa kolesterol at posibleng may side effects pa. Dahil dito, piliting isaayos ang iyong pamumuhay bago maggamutan.

Kung kayo ay sobra sa timbang, kailangang magpapayat. Kapag ika’y pumayat ng 5 pounds, bababa rin ang iyong kolesterol.

Sa diyeta, subukan ang madalas na pagkain ng oatmeal, beans (monggo) at gulay. Makapagbabawas ito nang malaki sa iyong kolesterol. Kung dati ay mahilig ka sa taba ng baboy, mantika at pritong pagkain, subukan mo naman ang taba ng isda. Tapyasin din ang taba ng baboy bago ito lutuin.

Iwasan ang pagkain ng mga cakes, pastries, croissant, ensaymada, mantikilya, cookies at iba pang mamantika na bagay. Kung dati ay hilig mo ang sinangag at fried rice, piliin na lang ang sinaing.

3. Mag-ehersisyo.

Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang limang beses kada linggo. Gawin ito ng 30 minutos hanggang isang oras. Malaki ang maitutulong ng ehersisyo sa pagbaba ng iyong kolesterol.

4. Subukan ang natural na gamutan.

Ang pagkain ng bawang ay puwedeng makababa ng kolesterol sa dugo ng 9 to 12%. Ang pag-inom din ng omega-3 fish oil supplements ay nakabababa ng triglyceride levels, isang klase ng taba sa dugo.

5. Gamot sa kolesterol.

Kung pagkaraan ng 2 buwan na pag-di-diyeta ay mataas pa rin ang iyong kolesterol, puwede na tayo mag-umpisa uminom ng maintenance na gamot. Ito ay ang mga generic na Simvastatin, Atorvastatin o Rosuvastatin. Mayroon nang mga murang gamot sa generics na botika.

Ito ang tamang paraan sa paggagamot ng kolesterol n’yo. Subukang magdiyeta at mag-ehersisyo muna ng dalawang buwan. Kapag hindi nakuha sa natural na paraan ay doon pa lamang iinom ng gamot.

BUKOL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with