Sumbong (Huling bahagi)
Hindi na nga natagpuan ng mga pulis si Abel. Samantala, nang madala sa munisipyo ang duguang si Jerry, kinuha agad ng huwes sa lugar ang kanyang salaysay dahil sa grabe niyang kondisyon. Sinabi ng biktima na sinaksak siya ni Abel sa sikmura at kaliwang kamay. Ginawa ni Jerry ang salaysay sa harap ng mga tao sa munisipyo at narinig pa mismo ng dalawang pulis na sina Aesquivel at Javier na noon ay papasok ng gusali. Matapos suriin ng doctor, napag-alaman na nagtamo ng sugat sa tiyan si Jerry na gawa ng isang matulis na bagay. Dahil sa komplikasyon hindi na nagtagal ang biktima at kinagabihan ay namatay ito.
Nagkaroon ng paunang imbestigasyon ang piskalya at sinampahan ng kaso si Abel sa pagpatay kay Jerry. Makalipas ang apat na buwan, naaresto siya. Sa paglilitis ay si Roger at ang dalawang pulis pati si Ella na misis ni Jerry ang mga tumayong testigo. Itinanggi naman ni Abel ang kasalanan at ang palusot ay nasa bahay raw siya ng kapatid na lalaki na malayo sa pinangyarihan ng krimen noong gabing sinaksak ang biktima. Pero ang alibi ni Abel ay hindi sinang-ayunan ng kanyang kapatid at dalawang kamag-anak na naroon. Pagkatapos ng paglilitis, napatunayang nagkasala si Abel sa pagpatay kay Jerry. Hinatulan siya na makulong ng mula 14 na taon, 8 buwan at 1 araw at pinagbabayad ng danyos.
Kinatigan ng Supreme Court ang desisyon. Ayon sa SC, ang salaysay na ginawa ni Jerry na noon ay sugatan at sa harap ng maraming testigo kasama na ang huwes ng lugar patungkol sa kung sino ang may gawa ng sugat niya, pati ang mga detalye kung paano ginawa iyon ni Abel ay matatanggap na ebidensiya dahil kapani-paniwala. Isinalaysay ni Jerry ang mga detalye sa kabila ng sugat na tinamo at kawalan ng pag-asa na mabubuhay pa. Nagtutugma rin ang salaysay sa ibang ebidensiyang nagtuturo ng kasalanan ni Abel. Tatanggapin ding ebidensiya ang testimonya ng mga taong nakakita sa duguang katawan ni Jerry na nakabulagta sa kalsada. Tungkol naman sa kawalan ng saksi sa mismong pananaksak pati ang pagtanggi ni Abel na hindi niya pinatay si Jerry, dapat tandaan na pananagutan niya (Abel) ang mga kahihinatnan ng kanyang ginawa sa biktima. Ang bigat nito ay sinusukat base sa resulta at dahil sa lalim ng sugat na ginawa ni Abel para mamatay si Jerry (U.S. vs. Ramos, G.R. L-7900, October 18, 1912).
- Latest