Naglulutong-bahay bakit kumokonti na
NAPANSIN n’yo rin ba? Hindi gaano naglulutong-bahay ang kabataan ngayon. Mas madalas sila kumain sa labas o magpa-deliver sa tirahan.
Sa konting saliksik, napag-alaman kong marami nang restoran, maging chain o specialty, ay nagde-deliver. Kumbinyente, anang mga inusisa ko, wala nang hugasing pinggan at kubyertos kaya mas mahabang oras mag-relax. Walang statistics sa Pilipinas, pero meron sa America, na malimit pagsimulan ng bagong trends. Anang U.S. Dept. of Agriculture, ang millennials ay 30% mas malimit sa bar o restoran kaysa ibang henerasyon. Mas konting oras ang ginugugol ng mga edad-25-40 kaysa nakakatanda sa paghanda ng pagkain sa bahay. Halos 13 minuto lang sila sa kusina araw-araw, na kung susumahin sa isang linggo ay mas konti nang isang oras kaysa Gen X. Kung nago-grocery mas marami ang binibili nilang handang pagkain, pasta, at matamis. Mas konting millennials, 64%, ang nagsasabing mahusay sila magluto, kaysa Gen X, 72%, at Baby Boomers, 76%. Marami sa kanila ay hindi alam ang iba’t ibang uri at gamit ng kutsilyo o kung ano ang almires.
Lima umano ang benepisyo ng lutong-bahay: (1) matipid, (2) malinis, (3) masustansiya, (4) malasa, (5) masaya. Hindi na totoo ‘yan.
Panahon na ng robot chefs; electronic kitchenware; maramihan kaya murang sangkap, panimpla at sisidlan; at mahigpit na sanitasyon sa kusina. Mahuhusay ang chefs, inaanunsiyo ang calories, at iba’t iba ang lebel ng asim, tamis, o anghang. Napapabilis, napapamura, napapasarap, at napapalusog ang gawang restoran. Masaya rin naman mag-dine-out ang pamilya, huwag lang matrapik at puro nagte-text sa hapag kainan.
Hindi kataka-taka na ang Magnolia brand ng San Miguel ay maglalabas na ng bagong produkto: foods ready-to-eat. Adobo, sinigang, kaldereta, sisig, prito -- ibebenta nang mainit at isusubo na lang.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest