Limang makikinabang kung magkudeta
NABINGIT-BUHAY si Juan Ponce Enrile sa pagsulong ng 1986 People Power Revolt. Bagamat kokonti lang sila nu’ng una, natalo nila ni Gen. Fidel Ramos at napatalsik si diktador Ferdinand Marcos Sr. Milyong tao ang sumuporta sa kanila sa EDSA, at milyon sa iba pang lugar.
Ngayon hinihimok ni Rody Duterte ang AFP at PNP na pabagsakin si Ferdinand Marcos Jr. Nagyabang pa ang spokesman niya na nagpaalam daw kay Duterte ang mga aktibo at retiradong heneral na magkukudeta sila. Pero hindi sinabi ku’ng sinu-sino sila.
Tinuya ni Enrile ang mga aninong heneral: “Payo ko sa mga nag-uudyok ng rebolusyon na bumili sa tindahan ng people power tool kit, at simulan niyo na ang laro kung kaya niyo talaga. Walang kunwari-kunwarian sa rebolusyon. Huling solusyon ito. Maari matalo ka nang lubos o manalo. Ganun ‘yon.”
Niluklok ng People Power si President Cory Aquino. Siyam na beses siyang tinangkang ikudeta. Lahat ito ay nangailangan ng milyun-milyong pisong budget. Lahat ito ay nalusaw.
Si Joseph Estrada ang ikalawang nilaglag ng EDSA People Power nu’ng 2001. Kakampi siya noon ni Enrile.
Tinangka nina Antonio Trillanes IV at Magdalo Group i-kudeta si President Gloria Macapagal Arroyo. Nalipol sila at ikinulong. Sinalba ni Enrile si Trillanes bago siya tuklawin nito.
Lima ang makikinabang ku’ng nagwagi ang kudeta ni Duterte: (1) Komunistang China, (2) balik-extrajudicial killings, (3) katiwalian ala Pharmally, (4) political dynasties, (5) maruming halalan. Lahat ‘yan ay naging tatak ng pangulohang Duterte, 2016-2022. Lahat ‘yan babalik.
Gagastahan ba ni Duterte ang isang people power? Sa pag-upa pa lang ng portable toilets ay milyong piso na ang gastos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest