Aberya, nangyayari rin sa ibang host countries
KUNG may problema sa pamilya, dapat bang ipagsigawan ito sa kapitbahay? Pinag-uusapan iyan at nireresolba sa isang private family caucus para hindi naman tayo naglalaba ng maruming damit sa mata ng global community.
Imbes palakasin ang loob ng mga atletang Pinoy at dayuhan sa 30th SEA Games, lalo pang idinidiin natin na palpak ang palaro. Nalilihis ang ating atensyon sa tunay na diwa ng SEA Games: ang puso at giting ng mga atletang Pilipino. Kailanman ay hindi nangyayari ito sa ibang host countries ng SEA Games.
Mga sarili nating manlalaro ang mismong nagpapatunay na wala pang international sports event na naging perpekto ang takbo. Kahit saan sa buong mundo na nag-host ng mga ganiyong events ay nagkaroon din ng mga aberya. Normal ang pagkakaroon ng mga aberya katulad sa pagkain at titirhan ng mga atleta.
Sabi ng dating Azkals player na si Alejandro Baldo Jr, naranasan nilang magtulak ng sasakyan sa Thailand sa isang sports event at namroblema rin sila sa pagkain at kung ano-ano pa kapag nasa dayuhang bansa sila para makipaglaban. Sinabi rin mismo ni badminton national athlete Antonio Cayanan na namroblema rin sila sa pagkain, transportasyon at dinala sila sa maling hotel sa ginanap na 2017 Malaysian SEA Games na nasolusyunan din naman habang idinaraos ang palaro.
Si PSC Commissioner Ramon Fernandez ay nagsabi rin na nagaganap ang mga ganitong aberya kahit saang palaro at kahit anumang bansa ang mag-host ng palaro. Tinukoy ni Fernandez ang nangyaring food poisoning sa Malaysian SEA Games noong 2017 at ang problema sa transportasyon at mga driver ng palaro na hindi pinasweldo.
Ang mahalaga, ani Fernandez sa kabila ng mga ito, ang suporta ng taumbayan sa adhikain ng mga atleta na makapaglaro sa abot ng kanilang makakaya at maibulsa ang gintong medalya para sa karangalan ng bansa. Sa halip na magbatikusan at magtirahan, bakit hindi na lamang natin ipagdiwang ang mga mumunting tagumpay na inaani na ngayon ng Team Philippines sa SEA Games.
Kagaya ng unang panalo ng Pilipinas na itinala ng Philippine Women Football team nitong Lunes. Suporta ang kailangan ng ating mga atleta at hindi kung anu-anong batikos at puna. Huwag natin itong ipagkait sa kanila.
- Latest