Ang tungkuling sinumpaan
AAPAT na nga lang ang matitirang oposisyon, kulong pa ‘yung isa. Inaasahang abot 20 ang mga senador sa mayorya. Ang natitirang apat na tapat ay sina Sen. Frank Drilon, Rissa Hontiveros, Francis Pangilinan at ang senador ng Crame, Leila de Lima.
Hindi komo bumoto para kay Senador Tito Sotto sa pagkapangulo ng Senado ay nangangahulugang kampi ka na sa administrasyong Duterte. At hindi rin siguradong susuporta ang isang senador ni Pangulong Duterte sa pagka-Senate President ni Tito Sotto.
Ang senador, higit sa kongresista, ay higit na maaasahang manatiling independent pagdating sa mga mabigat na usaping panlipunan. Ibig sabihin ay taguyod nito ang sariling paninindigan maging kontra man sa posisyon ng administrasyon. Maliban sa mga bagong saltang senador na deklaradong susunod lamang sa dikta ng Pangulo, ang mga batikang senador ay hindi basta magpapadala sa agos. Halimbawa na lang sina Sen. Poe, Gordon, Lacson, Angara, Binay, Villanueva, Gatchalian at Recto. Walang bulag o bingi sa mga iyan. Si Senador Poe nga ay binira pa ni Pangulong Duterte sa bisperas ng eleksyon dahil naghinala ang senadora na mauuwi sa korapsyon ang hinihiling na emergency powers ng Pangulo.
Malinaw sa ngayon na Pangulo pa rin ng Senado si Sen. Pres. Sotto. At nangangako itong mapapanatili ang independence ng kanyang Kamara. Sana nga. Mabibigat ang mga isyung tatalakayin ng Senado sa bagong sesyon: Pederalismo, Death Penalty, West Philippine Sea, Martial Law sa Mindanao, at iba pa. Malaki ang pakinabang ng lipunan sakaling hayaan nilang magkaroon ng malusog na debate ang bawat isyu. Mararamdaman ng tao na dumaan sa pagsusuri kung anumang kalabasan na posisyon natin sa bawat isa.
Mangyayari lamang ito kapag ang apat na natitirang oposisyonista at ang mga senador na independiyente ang pag-iisip ay hindi isusuko ang pribilehiyong usisain at himayin ang mga panukala ng mayorya. Ito ang tunay na kahulugan ng pagiging senador.
- Latest