Tamang paggamit ng condom sa HIV-AIDS
LAGANAP na ang HIV-AIDS sa Pilipinas. Kung dati-rati ay 25 kaso ng HIV ang naitatala bawat buwan, ngayon ay umaabot na sa 15 doble ang itinaas nito. Naililipat ang HIV virus sa ibang tao sa pamamagitan ng pakikipag-sex, pagsalin ng dugo, pagturok ng droga at panganganak. Ang HIV virus ay puwedeng magmula sa nanay at mahawa ang sanggol.
Ayon sa DOH, karamihan ng kaso ng HIV-AIDS ay nakukuha pa rin sa pagtatalik. Mataas ang kaso ng HIV-AIDS sa mga grupo ng female sex workers at mga lalaking nakikipag-sex sa kapwa lalaki.
Para maproteksyunan ang sarili laban sa HIV-AIDS, kailangang gumamit ng condom habang nagtatalik. Wala nang iba pang paraan para maiwasan ang HIV virus. Base sa datos sa Pilipinas, 30% lang ng mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ang gumagamit ng condom. Sa mga female sex workers ay 60-70% ang gumagamit ng condom.
Mababa pa rin ito dahil ang rekomendasyon ng World Health Organization ay dapat 90% pataas ang gagamit ng condom para maiwasan ang HIV-AIDS at iba pang sexually-transmitted diseases (STD).
Alamin ang tamang paggamit ng condom:
1. Itago ang condom sa malamig na lugar at huwag ilagay sa loob ng kotse o wallet.
2. Isang beses lang ang paggamit ng condom. Huwag uulitin ito.
3. Huwag gumamit ng gunting o ngipin para punitin ang balot ng condom. Baka magupit mo ang condom.
4. Isuot ang condom sa umpisa pa lamang ng pagtatalik.
5. Ipasok ang ari ng lalaki sa butas ng condom. I-rolyo ito ng dahan-dahan hanggang mabalot ang buong kahabaan nito. Pero tandaan na mag-iwan ng konting puwang sa dulo ng condom para sa semilya.
6. Gumamit ng pampadulas tulad ng KY jelly (water-based) para mabawasan ang tsansang mapunit ang condom.
7. Pagkatapos gamitin ay taliin agad ang butas ng condom para maipon ang semilya ng lalaki sa loob ng condom. Itapon ito sa basurahan.
Bukod sa paggamit ng condom, ang pag-iwas sa sex at pagkakaroon ng isang partner lamang ay makababawas din sa HIV-AIDS.
- Latest