EDITORYAL - Pati panghihipo ikinuwento
PALAKUWENTO si President Duterte. Sa lahat ng kanyang mga speaking engagement, lagi nang may mga nakasingit siyang kuwento. Mahusay nga siyang storyteller sapagkat kaya niyang patawanin ang mga tagapakinig. Kaya lang, mayroon siyang mga kuwento na dapat ay hindi na niya sinasabi pa lalo’t hindi naman ito makakatulong sa ikauunlad ng bansa. Nababatikos lang siya dahil sa mga kuwento. Ang nakapagtataka lang, kahit na inaamin na ng Presidente ang mga nangyari sa kanya noon, itinatanggi naman ito ng kanyang spokeperson at sinasabing nagbibiro lang ang Chief Executive. Ano ba talaga Kuya?
Noong nakaraang Sabado na nagtalumpati siya makaraang mamahagi ng landowners certificates sa agrarian reform beneficiaries sa Kidapawan City, Cotabato, muli na naman siyang bumanat sa Katolikong Simbahan dahil sa pagbatikos nito sa kanyang giyera laban sa droga. Dapat ay maghinay-hinay ang mga ito sapagkat talagang lalaban siya sa mga ito. Patuloy daw siyang aatake sa mga ito. Magdahan-dahan daw ang mga pari sapagkat mayroon ding kasalanan ang mga ito. Mayroon daw pari sa Davao na namatay dahil sa AIDS. May isang pari raw na nambugbog ng bata dahil hindi pinakain ang alagang aso.
Noon pa, sinabi na ng Presidente na minolestiya siya ng isang pari noong siya ay estudyante pa. Tama raw ang paglalahad ng bayaning si Jose Rizal sa nobela nitong Noli Me Tangere na pang-aabuso ng mga pari. Marami pang ikinuwento ang Presidente ukol sa mga pari at sabi ng mga political analyst kaya raw ganito ang ginagawa ng Chief Executive ay para mailabas ang sentimyento sa ginagawang pagbatikos ng clergymen sa kanyang mga polisiya at uri ng pagpapatakbo ng gobyerno.
Okey na sana ang tirada ng Presidente, kaya lang nang ikuwento niya ang tungkol sa maid na hinipuan niya habang natutulog ay tila ba nasira ang porma ng kanyang paglaban sa mga pari. Ayon sa Presidente ikinumpisal daw niya sa pari ang panghihipo sa maid. Pumasok daw siya sa room ng maid, inalis ang kumot nito at pinilit hipuin ang nasa loob ng panties. Nagising daw ang maid kaya bigla siyang lumabas ng room. Pero nagbalik umano uli siya at pilit niyang i-insert ang daliri sa ari ng maid. Sa huli, sinabi ng Presidente, lahat daw ng kabataan, dumaan sa ganito.
Dahil sa ikinuwento niya, maraming nag-react. Pero sabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, “laughable anecdote” raw ito na gawa-gawa lang ng Presidente.
Sana ay hindi na lang magkuwento ang Presidente ng ganito. Para iwas batikos, sarilinin na lang niya.
- Latest