^

PSN Opinyon

‘Buwelta na karma!’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

IPILIT MO MANG kalimutan at iwasan ang isang kasalanan para itong kanser na dumapo sa ‘yo kung kelan akala mong mawawala na babalik at babalik pa pala para patayin ka.

“Sa lahat ng hearing namin isang beses lang siyang duma­ting. Mula nun hindi na namin siya nakita,” pahayag ni Emy.

Bente uno anyos pa lang nang maaksidente ang anak nina Emelita “Emy” Galaraga at Jaime Galaraga na si Ariel Nathaniel o ‘Nat-nat’.

Taong 2013 nang tumawag ang Tala Hospital upang ibalita sa kanila na naaksidente ang kanilang anak na si Nat-nat.

Ayon sa salaysay ng kaibigan ni Nat-nat na si Reymart Calwit ika-31 ng Hulyo 2013 nang mag-inuman sila sa Padis Point sa Fairview. Bandang alas kwatro ng umaga na sila natapos. Dalawang motor na lang sila. Nang nasa Zapote na sila nasagi ng jeep ang tropa niyang si Nat-nat.

Kitang-kita niya ang pangyayari dahil nasa likuran lamang sila ng motorsiklong minamaneho ni Nat-nat. Tinakbuhan sila ng driver ng dyip ngunit hinabol niya ito.

Nakarating sila ng Maligaya ngunit sabi ng driver hindi daw siya ang nakabangga kay Nat-nat. Kung talagang hindi ito ang nakasagasa bakit hindi ito humihinto. Kinuha na lamang nina Reymart ang plate number ng nasabing sasakyan at binalikan ang naaksidenteng kaibigan.

“Ang Tala Hospital na pinagdalhan sa kanya ang tumawag sa amin at nagsabing naaksidente ang anak namin kaya kailangan naming magpunta dun. Nasa Emergency room pa siya nun,” ayon kay Emy.

Hit and run ang sinabing nangyari kay Nat-nat at ang insidenteng ito ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Ang angkas naman nito ay sugatan din.

Sa salaysay naman ni SPO1 Benjamin Bautista noong 4:45 ng umaga ng Hulyo 31, 2016 ang V-1 na isang Honda Wave na may plate number na TP-1951 na minamaneho ni Nat-nat na may isang angkas at ang V-2 ay ang dyip na may plakang TWG-407 na minamaneho ng hindi pa nakikilalang tao.

Agosto 3, 2016 nang magkaroon sila ng follow-up investigation na pinangunahan ni SPO3 Elvis Imperial, SPO1 Benjamin Bautista, PO3 Michael Calora at PO2 John Paul Duran.

Natagpuan nila ang nasabing sasakyan sa garahe ng isang Aida Basilan. Nagkaroon sila ng koordinasyon kay Kagawad Virgilio Marcos ng Brgy. Pasong Tamo at sa tulong ni Ex-O Lando Buisan ay pinuntahan nila ang bahay ni Aida.

Ayon sa anak ni Aida na si Samuel Basilan nasa Baguio ang kanyang ina. Ang nagmamaneho ng sasak­yan nung panahong nakaaksidente ito ay si Anthony Bedonia. Nagbigay din ito ng kopya ng driver’s license ni Anthony at ng ilan pang dokumento ng dyip.

Nagsampa ng kasong ‘Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property’ sina Emy laban kay Anthony.

Ang Caloocan Police naman ay nagsampa din ng kaso laban kay Anthony na Violation of Sec. 55 of RA 4136 at Violation of PD No. 1829 (Obstruction of Justice) laban sa operator na si Aida Basilan.

Sa ibinigay namang kontra-salaysay ni Anthony mariin niyang itinatanggi ang mga paratang sa kanya. Hindi daw siya ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan nung panahong nakabangga ito.

Masakit daw ang kanyang paa nung Hulyo 28, 2016 kaya hindi siya nakapasada para makabayad ng boundary ipinamaneho niya ito sa kanyang kapitbahay na si Lorence Del Rosario. Ipinaalam din daw niya sa operator ang palitan nila. Sinabi daw nito sa kanya na naaksidente siya kaya hiniling niya dito na samahan siya sa operator ng dyip.

Nang malaman ang nangyari pinagawa daw ng salaysay si Lo­rence ng operator at sinabihang ireport sa otoridad ang pangyayari. Habang nasa daan daw sila narinig ni Lorence na namatay ang biktima kaya ito ang naging dahilan para siya ay tumakas. Sinubukan niya daw hanapin si Lorence ngunit ayon sa asawa nito ay nagtatago na. Nagulat na lang daw siya nang siya ang nahaharap sa kaso.

“Sa una at pangalawang pre investigation hindi humarap ang akusado. Sa pangatlo naman huli pa siyang dumating,” wika ni Emy.

Maging sa arraignment ay hindi din ito sumipot. Isang beses lang itong nagpakita.

Sa puntong ito nagpasya na ang Prosecutor na maglabas ng resolusyon sa mga kasong ito.

Sa ‘Joint Resolution’ na inilabas ni Investigating Prosecutor Ramon B. Mendoza noong Nobyembre 26, 2016 nakasaad na lumalabas sa mga ebidensya na ang motorsiklo ay na-side swipe ng pampasaherong dyip. Nagkaroon ng sira ang motorsiklo na aabot sa Php28,450.

Sa sunud-sunod na pagsasagawa ng imbestigasyon sa nangya­ring insidente ay natuklasang pag-aaari ng isang Aida Basilan ang sasakyan at nalaman din kung sino ang nagmamaneho nung mga panahong yun.

Sa kabilang banda itinatanggi naman ni Aida na dapat siyang makasuhan ng Obstruction of Justice. Siya daw ang nag-utos sa kanyang anak na magbigay ng kopya sa mga pulis ng lisensiya ni Anthony at OR CR ng sasakyan. Tumulong siya para makilala ang akusado sa pagkakabangga.

Ayon din sa kanya nakipag-ugnayan siya sa pamilya ng biktima at nagkasundong sasagutin niya ang funeral expenses nito.

Sumipot din siya nang ipatawag ng pulis. Bilang patunay ay nagsumite siya ng Notice of Investigation dated 03 August 2013, LBC envelope at Entry in the Police Blotter Book.

Matapos timbangin ang lahat ng ebidensyang nakalap nakitaan ng ‘probable cause’ para mausig sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties at Violation of Sec. 55 of R.A. No. 4136 si Anthony.

Sinabi ni Aida na si Anthony ang nagmamaneho ng sasakyan at ang positibong pagkilala ay higit na matimbang kaysa sa depensa ng akusado. Hindi nasuportahan ni Anthony ang kanyang depensa.

Hindi niya din naipakita ang sinasabing salaysay ni Lorence na siya ang nagmamaneho.

Hindi naman nakitaan ng probable cause para makasuhan si Aida ng Obstruction of Justice kaya na-dismiss ito.

Naglabas na din ng ‘Alias Warrant of Arrest’ si Presiding Judge Michael Francisco laban kay Anthony. Trenta mil ang nakatakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

***Kung sino man ang may impormasyon sa kinaroroonan ni Anthony Bedonia y Michael ay makipag-ugnayan lamang sa mga numero sa itaas o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.***

TONY CALVENTO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with