Abby vs. Andy
NILABAS na ng Comelec sa pamumuno ng hinahangaang Chairman Andy Bautista ang kanilang mga patakaran sa mga ipinagbabawal ng batas o prohibited election acts sa 2016 elections, ang Comelec Resolution No. 10049. Ang pagiging progresibo ng liderato ni Chairman Bautista ay muling nasaksihan sa isang bagong seksyon – una sa kasaysayan ng halalan, ito’y tumutukoy sa mga pahayag ng mamamayan na nilalabas sa internet sa mga blogs.
Ayon sa section 4(e) ng Resolusyon, ang pagpapahayag ng opinyon, pananaw at pagtangi sa kandidato ay hindi maitutu-ring na pangangampanya o pagkampi sa isang kandidato o partido maliban kung ito’y manggaling sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan. Agad uminit ang ulo ni Atty. Abigail Valte, assistant ni Presidential Spokesman Atty. Edwin Lacierda. Una: hindi raw ba ito censorship at hindi makatarungang panghimasok sa freedom of expression ng kawani ng pamahalaan na mamamayan din naman? Pangalawa: Mismong ang batas ang nagsasabing hindi bawal sa mga taga-gobyerno ang magpahayag ng posisyon o banggitin ang pangalan ng iboboto niyang kandidato. Kaya bakit ang patakaran ng Comelec ay tila labag sa probisyon ng batas. “Sana mali lang ang intindi ko sa inyo, Comelec,” ang hamon ni Atty.
Sa pagbasa ko sa resolusyon, ang masasabi ko lang ay matagal nang kinilala ng ating mataas na hukuman ang lehitimong interes ng estado na, kung kinakailangan, limitahan ang freedom of expression ng mga taga- gobyerno pagdating sa eleksyon. Andyan ang paniguro na ang pamahalaan ay walang pinapaboran at sumusunod sa batas at hindi sa padrino; na ang may hawak ng kapangyarihan ay hindi lumaki nang sobra sobra na hindi na ito maawat; ang pagtanggal hindi lamang ng pagkakataong gamitin ng civil servant ang kanyang posisyon kung hindi rin ang pagtanggal ng posibilidad na ito’y kanyang magamit. Sa ganang ito ay hindi kailangang magpaliwanag ang Comelec kay Ma’m Abby.
Subalit pagdating sa ikalawa niyang argumento, malinaw na may punto si Atty. Kung ang batas ay kinikilala ang karapatan ng taga-gobyerno na magpahayag, bakit ito hahadlangan ng karaniwang regulasyon ng Comelec? Siyempre, mas matimbang ang batas ng Kongreso kaysa regulasyon lang ng Comelec.
Ang napakapublikong paghamon ni Atty. Valte sa Comelec na makipagtagisan ng galing sa batas ay sana’y maging daan upang bisitahin muli ang Resolusyon. Kahit pa gaano kabigat na ang nagawang tulong at trabaho ni Chairman Bautista and co. sa ngalan ng malinis na halalan, sayang naman kapag mapatunayang may nasasalaula itong mahalagang mga karapatan.
- Latest