Pasaway na motorista
HINDI na kailangang maghanap ng patunay na may mga daryber na wala talagang karapatang magmaneho, lalo ng mga pampublikong sasakyan. Isang jeepney ang nasagi ng tren sa Paco, Manila noong Martes ng gabi. Ayon sa mga nakasaksi, inunahan ng jeepney ang pagbaba ng barrier dahil may parating na tren. Pero inabutan pa rin ito. Bumangga pa sa isang delivery van ang jeepney. Anim ang sugatan at isa ang namatay sa mga pasahero. Ang namatay ay empleyado ng isang paaralan. Hindi kaagad malaman ang pangalan nito dahil ang kanyang bag ay ninakaw ng isang umusyoso sa insidente. Napinsala na, ninakawan pa. Paano matutuwa sa mga ganyang tao?
Bakit kailangang makipag-unahan sa tren ng drayber? Ang tren ay hindi nakakapreno ng basta-basta lamang dahil sa bigat nito. Kapag nakabuwelo na, wala nang makakapigil nito kaagad maliban sa isang bagay na mas mabigat sa buong tren. Kaya malayo pa lang ang tren ay pumepreno na at nagpapadala na ng mga senyales sa tatawirang kalsada na ibaba na ang barandilya para hindi na tumawid o manatili ang mga sasakyan sa riles. May mga ilaw, kampana, bumubusina ang tren para ipaalam na parating na ito. Pero dahil nga sa hindi nag-iisip ang drayber, pilit inunahan ang tren. Kung sumunod lang siya sa mga senyales at ginamit ang ulo, hindi na dapat siya nagpilit tumawid,wala sanang napinsala sa mga pasahero niya.
Walang naniniwala sa kanya na wala siyang narinig at hindi alam na may tren na parating, kung ang kanyang mga pasahero ay sumisigaw na. Ngayon, ilang pasahero ang napahamak, namatay pa ang isa. Wala nang argumento. Hindi na dapat pahawakin ng manibela ang drayber. Kasuhan na rin dahil sa pagkamatay ng kanyang pasahero.
Sigurado hindi lang ito ang drayber na hindi gumagamit ng ulo o pasaway. Kaya bukod sa lahat ng mga kagamitan na nagpapaalam na may parating na tren – barrier, ilaw, kampana, busina -- kailangan may pulis, MMDA o opisyal ng PNR pa rin sa riles para sigawan ang drayber na may parating na tren.
Mahina talaga ang maraming drayber pagdating sa mga karatula sa kalsada. Di ko alam kung hindi marunong magbasa o pasaway lang talaga. Kaya hindi mapatupad ang “yellow box” sa mga intersection. Ang “yellow box” ay nagsasaad na walang sasakyan ang dapat bumara sa nasabing kahon, para makadaan ang ibang sasakyan mula sa ibang direksyon. Pilit pa rin babarahin ang daanan, kahit napakahaba naman ng trapik at hindi naman gumagalaw. Dito pa lang alam nang mahirap ayusin ang trapik sa Metro Manila. Dapat laging may mga pulis o MMDA para sabihan o gabayan o sigawan ang mga pasaway na motorista.
- Latest