Moro-moro lang
MAY papel pala ang Manila Traffic and Parking Bureau sa pagpapaluwag ng daloy trapiko. Napangiwi ang aking mga kausap na motorista nang makita nilang nagbibilad sa sikat ng araw habang nilalanghap ang usok mula sa mga tambutso ng mga sasakyan si MTPB director Carter Don Logica sa kanto ng Jose Abad Santos at C. M. Recto Avenue. Natural lumuwag bahagya ang daloy ng trapiko sa naturang lugar dahil tapos nang makubra ang P150 milyong Super Pamaskong Tiangge sa mga botante este Manilenyos, isang katerbang MTPB Personnel na inaayudahan ng mga tauhan ni Supt. Olive Sagaysay ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU).
Kaya naman ang mga barumbadong jeepney drayber ay nagpakitang gilas sa pagtupad ng “no loading and unloading zone” sa takot na mahuthutan. Maging ang mga pasaway na tricycle at pedicabs ay nagpulasan sa paghanap ng panibagong ruta upang makaiwas sa huli at pagka-impound. Ang masakit mukhang hindi naman nabawasan ang “butaw” na naibubulsa ng mga tiwaling MTPB at MDTEU bukod pa riyan ang sa MASA at barangay officials. Kasi nga lumuluwag lamang itong mga kalye sa Divisoria tuwing maglilinis kusina itong mga opisyales ng Manila City Hall at Manila Police District. Paso na kaya ang kontrata ng mga pasaway na sidewalk vendors sa P150 milyong Yuletide Season? Kasi nga kung walang obstruction na mga vendors sa C. M. Recto, Juan Luna, Ilaya at Sto. Cristo tiyak na makakadaloy nang maluwag ang mga motorista. Kaya ang pagpapaluwag sa mga kalye sa Maynila ay moro-moro at pangarap lamang.
* * *
May pagbabago ang tradisyunal na Thanksgiving Procession ng Black Nazarene mga suki. Ayon kay Plaza Miranda Police Community Precints C/Insp. John Guiagui, ipinagbigay alam ni Monsignor Hernando Coronel na ang taunang paglabas ng Black Nazarene sa simbahan ng Quiapo ay gaganapin na sa Disyembre 31, 4:00 a.m. sa halip na Enero 1 ng madaling araw, ito’y upang makapaghanda ang mga motorista at negosyante. Ang ruta ng prusisyon mula sa Simbahan ng Quiapo ay kakanan ng Evangelista St., kanan ng C. M. Recto patungong Loyola, kanan ng Bilibid Viejo hanggang Gonzalo Puyat pakaliwa ng ZP de Guzman, kaliwa ng Hidalgo St., kanan ng Quezon Blvd pakaliwa ng C. M. Recto patungong Quezon Blvd hanggang sa makapasok muli sa simbahan kung kaya ang mga maapektuhan dito ay ang mga obstruction na sidewalk vendors at parking maging ang mga motorista.
Ang nasabing pagbabago ng ruta ay sa panawagan ni Monsignor Coronel sa mga namamanata sa kadahilanan na ang tao ay dapat kasama ng pamilya sa pagsalubong ng Bagong Taon na nagsasaya, iwas aksidente rin ito kasi marami ang lasing, umidong paputok at tambak ng basura sa kalyeng pagdadaraanan ng prusisyon. May 220 pulis naman ang ipakakalat sa naturang lugar na kinabibilangan ng buong puwersa ng Police Station-3, MPD-SWAT, SRU at DPSB upang pangalagaan ang kapaligiran ng Quiapo. Kaya mga suki, huwag tayong pasaway upang ang panata natin ay lubusang makamit.
- Latest