Maging mahinahon
MALIGAYANG Pasko sa lahat! Ang aking tanong ay ilan sa inyo ang medyo sumikip ang damit o pantalon ngayon? Alam kong napakasarap kumain itong panahong ito, lalo na noong bisperas ng Pasko. Kaya naman panay ang labas ng babala ang DOH ngayon hinggil sa sobrang pagkain ngayong Pasko, lalo na mga pagkain na sa totoo lang ay hindi malusog. Madalas na dahilan ang “Pasko naman” para bigyang katwiran ang labis na pagkain ng mga matataba at mamantikaing pagkain. Lechon, hamon, kaldereta, keso at siyempre mga matatamis. Isama na rin diyan ang pag-inom ng alak. Pero ang masama niyan, sa mga darating na buwan ang kabayaran sa kalusugan ng lahat na iyan.
Kaya ngayon pa lang ay dapat sunugin na ang mga pinagkakakain noong Pasko. Kahit mga simpleng ehersisyo lang tulad ng paglakad ng ilang minuto. Kung makakapag-gym, mas mabuti. Huwag pabayaang maipon bilang taba sa katawan ang lahat ng kinain nitong Pasko. Kung may mga bagong damit, baka ngayon pa lang ay hindi na magkasya. Sayang naman.
At tandaan, may Bagong Taon na selebrasyon pa. Sigurado kainan at inuman na naman. Sa loob lamang ng isa ng linggo, ilang dagdag sa timbang ang nagaganap sa bawat Pilipino, lalo na’t nasa kultura natin ang paghanda ng maraming pagkain sa panahong ito. May tinatawg na “holiday heart syndrome” kung saan biglang nagkakaroon ng mga problema ang mga inidbidwal na wala namang kasaysayan ng sakit sa puso. Bunsod ito ng labis na pag-inom ng alak, pagkain ng matataba at maaalat na pagkain, pati na rin ang caffeine. Parang tumatalon ang tibok ng puso, hirap sa paghinga at paninikip ng didib. Walang may gustong mangyari sa kanila ang mga sintomas na iyan, lalo na sa Pasko. At lalong walang may gustong matakbo sa ospital sa kasagsagan ng kasiyahan.
Kaya tandaan, maging mahinahon sa mga selebrasyon. Hindi masamang magsaya kasama ang mga kapamilya at kaibigan. Dapat lang tandaan na sa lahat ng bagay, may kabayaran ang kalabisan. Kung magiging mahinahon, mapapalayo ka sa sakit, at magpapatuloy ang kasiyahan na inaasam nating lahat, partikular sa panahong ito. Sa lahat, Maligayang Pasko muli at masaya at ligtas na Bagong Taon!
- Latest