‘Pakitang-gilas season’
“HULI man daw at magaling, naihahabol pa rin!”
Ganito ang kasalukuyang administrasyon kung saan si Pangulong Noy Aquino ikinukunsidera nang lame duck president. Papaano ba naman kasi, kung kailan matatapos na ang kanyang termino, saka palang magbubuhos ng pondo.
Ang mga proyekto, aktibidades at programa na noon pa dapat sinimulan, ngayon palang pinag-uusapan kung kailan malapit na ang eleksyon. Sa anumang kadahilanan, umiiral ang ugaling ‘teka-teka’ ng mga nakaupo kaya ang matinding napi-perwisyo, taumbayan.
Hinihintay yata talaga ang eleksyon bago kumilos para makapag-iwan ng tatak sa isipan ng publiko at masabing may ginawa sila sa loob ng kanilang panunungkulan.
Tulad nitong sinabi ni Budget Secretary Butch Abad. Siniguro niyang wala nang anumang mga pampublikong proyektong maaantala ngayong election season. Katunayan, gagawin daw ng administrasyon sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) ang lahat ng kanilang makakaya para mai-release lahat ng kakailangang pondo.
Tulad ng sinabi ko sa aking programang BITAG Live kahapon, naturalmente, magpapakitang-gilas ang mga putok sa buho dahil kung hindi puputaktehin sila ng publiko. Ang resulta, mapupukulan ang kanilang manok at mga pambato sa susunod na eleksyon. Subalit ang nakakapagtaka, bakit ngayon lang, kung kailan papalapit na ang eleksyon, saka lang sila magbubuhos ng pondo?
Intensyunal man o hindi ang resulta ng ugaling ‘teka-teka’ na ito, sa malisyosong pag-iisip ng isang Juan at Juana Dela Cruz, gagamitin itong pondo ng partido sa ngalan ng mga proyekto kuno.
Kinakailangang lalo pang maging aktibo at agresibo ng mga infrastructure watchdog. Bantayan ang mga programa, aktibidades at proyektong nilalaanan ng pondo, baka sa halip mapunta sa mga rehiyon, mapunta sa bulsa ng kung sinumang kakulay na nakaupo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest