Bawal magalit: Basahin ito
KAIBIGAN, masama po sa iyong kalusugan ang magalit. Ito ang mga posibleng mangyari:
1. Altapresyon – Kapag ika’y nagalit, puwedeng tumaas ng 30-50 puntos ang iyong blood pressure. Kaya ang presyon na 130/80, ay puwedeng umabot sa 180/100.
2. Istrok – Kapag tumaas ang presyon, posibleng pumutok ang ugat sa utak. Ang tawag dito ay brain hemorrhage na madaling makamatay.
3. Atake at sakit sa puso – Narinig mo na siguro na may taong inatake sa puso pagkatapos magalit. Sobrang stress po ang dahilan nito.
4. Pagdurugo ng mata – Maraming pasyente na ang nabulag ang mata dahil sa matinding galit. Pumutok kasi ang ugat nila sa loob ng mata.
Bukod dito, posibleng may koneksyon din sa pagka-galit ang kanser, diabetes, asthma, sakit sa likod, at iba pa.
Paano mababawasan ang galit?
1. Mag-ehersisyo – Nakababawas ang ehersisyo sa stress at tensyon sa katawan.
2. Magpahinga nang sapat –Huwag magmadali at sobrahan ang iyong trabaho. Kapag hindi ka overworked, mas hindi iinit ang iyong ulo.
3. Habaan ang pasensiya – Huwag maging perfectionist. Tanggapin na talagang may nahuhuli sa mga schedule, meeting at oras ng biyahe.
4. Ayusin ang pag-iisip – Alamin ang mga bagay na mabilis magpainit sa iyong ulo. Bago pa ito mangyari, mag-isip na ng paraan para makaiwas dito.
5. Maghintay ng ilang oras – Kung may kaaway ka, huwag mo agad siyang harapin. Mag-deep breathing exer-cises muna. Huminga ng malalim at mabagal ng 10 beses.
6. Kausapin ang sarili o baguhin ang pananaw – Tanungin ang sarili: Itong kinakagalit ko ba ay may epekto sa akin pagkalipas ng 1 taon o 10 taon? Kadalasan ay wala naman.
7. Maging abala sa magandang gawain – Kapag ika’y walang ginagawa, magiging mas mainitin at mainggitin ka sa iba. Ngunit kung abala ka sa sariling proyekto, wala ka nang panahon magalit pa sa iba.
8. Libangin ang iyong sarili – Kapag nararamdaman mong umiinit ang iyong ulo, ibaling ang iyong isipan sa iba. Magbasa ng magazine, o mag-isip ng magagandang bagay.
9. Huwag daanin sa alak ang iyong galit – Masama ito sa katawan.
10. Ilabas ang iyong galit sa tamang paraan – Pumunta ka sa lugar na walang tao at dito mo ilabas ang iyong inis. Puwede ring ikuwento mo ito sa isang kaibigan.
11. Magpatingin sa doktor – Baka naman may altapresyon o sakit ka sa thyroid. Ang mga sakit na ito ay puwedeng magpainit din ng ulo.
12. Ipasa-Diyos mo – Ipagdasal mo na lang ang iyong kaaway. Hayaan mo nang iba ang lumaban sa kanya at huwag nang ikaw. Magpakumbaba at umiwas na lang sa iyong katunggali. Lilipas din iyan. Good luck po!
- Latest