Saklolo, President Aquino
NOONG Pebrero 4, 2015 ang “NoTo550 Coalition” ay lumiham na naman kay P-Noy na kung maari ay ibasura niya ang isang memorandum circular ni MIAA General Manager Jose Honrado na ipinag-uutos na isama na ang P550 airport terminal fee sa halaga ng airline ticket.
Ang unang liham ng “NoTo550 Coalition” ay pinadala kay P-Noy noong Oktubre 16, 2014 ngunit hindi pa natutugunan. Sana itong pangalawang liham ay maaksyunan na ng Presidente.
Ang galit ng OFWs hinggil sa MIAA circular ay nagba-viral na sa internet. Habang sinusulat ko ang kolum na ito, isang malaking rally ang idinadaos ng mga OFWs at pamilya sa Mendiola, Manila. Sana, mapansin ni P-Noy ang karaingan ng OFWs.
Hindi na isinaalang-alang ni Honrado na pending pa sa RTC Pasay City ang kasong isinampa ng “NoTo550 Coalition” noong Oktubre pa. Hindi niya rin isinaalang-alang na pending investigation in aid of legislation sa Committee on Overseas Workers Affairs sa Kongreso.
Ang puntos ng OFWs ay exempted sila ng Migrant Workers Act of 1995 sa pagbabayad ng airport terminal fee na P550. Kaya ang circular ni Honrado ay labag sa batas.
Wala nang ibang maaasahan ang OFWs na mailagay sa ayos ang gusot na ito kundi si P-Noy, ang Commander in Chief ng 10 million Army of OFWs who are fighting the war against widespread poverty in the Philippines but in various jobsites overseas.
Kaya saklolo, Ginoong Presidente.
Ang “NOTO550 Coalition” ay binubuo ng OFW Family Party-list, Blas F. Ople Center, Philippine Migrants Rights Watch, Kampi, FEDAMANEX, Sen. Cynthia Villar, Sen. Ernesto Herrera, Rep Leah Paquiz, Kaakbay, Ang Bagong Bayani OFW Labor Party, Daughters of Charity Migrants Desk, Task Force OFWs Italy, PAASA, Kakampi, Tita Kerry, Hongkong, CMA, Manny Geslani at iba pa.
- Latest