Magalak tayong lahat!
NGAYON ang ikatlong linggo sa panahon ng pagdating ng Panginoon (Adbiyento). Kagalakan nating lahat na mga taga-sunod ni Hesus ang pagsariwa sa Kanyang pagdating sa kapaligiran ng ating buhay. Gaudete o Pink Sunday. Pawang kagalakan sa Panginoon!
Muli tayong hinihikayat ni Pablo katulad sa kanyang unang sulat sa mga taga-Tesalonica na magalak tayong lagi at magpasalamat tuwina kay Hesus sa lahat ng mga pangyayari sa ating buhay sapagka’t ito ang plano sa atin ng Diyos. Palagi tayong lumayo sa mga kasamaan sapagka’t ang mga nagaganap sa atin tuwina ay pahayag, tulong at awa ng Espiritu Santo. Bigay Niya sa atin ang kapayapaan.
Maging ang Salmo o ang awit ng Mahal na Birhen Maria sa kanyang pasasalamat at pagpupuri sa Panginoon ay pagpapala sa kanya. Magnificat! Magpuri tayo sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok sa atin ay buong-buo pa rin ang ating pananampalataya sa Kanya. Patuloy tayong humingi sa Kanya ng tawad bilang ating paghahanda sa Kanyang kaarawan.
Tularan natin tuwina si Juan at isabuhay ang kanyang sagot sa mga nagtanong kung sino siya at ayon kay Propeta Isaias ay kanyang sinagot: “Ako ang tinig isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.” Kaya ang ganap nating regalo kay Hesus sa Kanyang kaarawan ay baguhin ang ating buhay sa lubos na pagsisisi sa ating mga kasalanan.
Magsisimula na muli ang Simbang Gabi. Siyam na araw ng paghahanda sa Araw ng Pasko. Ang ating lubusang paghahanda ay puno ng pagsisisi. Ito ang pinaka-banal na regalo natin kay Hesus sa Kanyang kaarawan. Napaka-dakila ng Panginoon. Ginamit Niya ang sinapupunan ng babaing nilikha Niya na walang bahid dungis ng kasalanan upang doon idaan ang Kanyang Anak na si Hesus.
Isaias 61:1-2a, 10-11; Salmo; Lukas 1:46-54; 1Tesalonia5:16-24 at Juan1:6-8, 19-28
* * *
Maligayang Pasko at salamat sa lahat na mga taga-subaybay na Glorify Thy Name! Pagpalain kayo ni Panginoong Hesus!
- Latest