Kailan madudurog ang Abu Sayyaf?
SINASABI ng datos ng pulisya at militar na humigit kumu-lang sa 400-katao na lamang ang bilang ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Mindanao. Ha, ganyan na lang kaliit?
Pero katakataka na ang grupong ito ay nakagagawa pa ng dambuhalang perhuwisyo sa ating bansa. Kumikita pa rin ng limpak-limpak na milyones sa pangingidnap, pandarambong at nitong huli, iniulat na may limang sundalo ng Armed Forces of the Philippines ang pinugutan ng ulo ng mga bandidong ito na lango sa droga.
Kung magkagayon, hindi lamang ordinaryong tulisan ito kundi maaaring tumatanggap ng suporta mula sa implu-wensya na sektor.
Mismong si Presidente Noynoy na ang nagsabi noong isang linggo na nakaposisyon na ang pulisya at militar para durugin na ang buong puwersa ng Abu Sayyaf. Ilang admi-nistrasyon na ang nagdaan sapul pa nung manungkulan si Presidente Cory ay naririnig na natin iyan: Na “pupulbusin na” ang bandidong grupong ito pero naririyan pa rin at namamayagpag.
Mahirap isipin na ang buong pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ay nadadaig ng isang maliit na grupong ito ngunit hindi rin ubrang sisihin ang pamahalaan. Hindi naman puwedeng basta na lang sasalakayin ang isang komunidad na hinihinalang pinagkukutahan ng mga bandido dahil hindi malayong madamay ang mga inosenteng sibilyan.
Ang ipinagtataka ko rin ay kung bakit tila walang nagagawa ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kabila ng malaking pabor na ginagawa para sa kanila ng gobyerno sa pagtataguyod ng isang awtonomong pamayanan sa Mindanao.
Kaya tuloy iniisip ng ibang mamamayan na baka ang Abu Sayyaf ay galamay ng MILF. Sana huwag naman. Pero ito ang bagay na dapat patunayan ng MILF sa pamamagitan ng mobilisasyon ng puwersa nito para tumulong nang puspusan sa ating mga tagapagpatupad ng batas laban sa mga bandidong Abu.
Kasi, sa tuwing makakarinig tayo ng mga nasawi sa enkuwentro sa Mindanao, puro na lamang kagawad ng pulisya at AFP at wala tayong naririnig ng MILF.
Sana’y hindi nagkamali ang gobyerno sa pagpasok sa isang tratado sa MILF sa pagtatatag ng isang awtonomong rehiyon alinsunod sa gusto ng MILF.
- Latest