Iba rin ang 2013
PASALAMAT tayo at hindi malakas ang naganap na lindol sa San Quintin, Pangasinan noong Miyerkules ng gabi. Nagtala ng Intensity 4.5 sa Richter scale. Mas mahina naman ang naitala sa ilang bahagi ng Metro Manila: Caloocan at Mandaluyong (Intensity 3) at Quezon City, Pasay, Taguig, Pasig (Intensity 2). Pero may mga kaibigan akong nakatira sa mga matataas na gusali na nagsabing ramdam na ramdam nila ang lindol. Mataas kasi sila at normal na umugoy-ugoy ang gusali sa hangin at lindol. Medyo nakakataranta nga lang para sa mga nakatira sa matataas na palapag. Wala namang naulat na napinsala sa lindol. Salamat sa Diyos!
Iba rin ang dinaanang pagsubok ng bansa ngayong 2013. Pagsalakay ng MNLF-Misuari sa Zamboanga, malakas na lindol sa Bohol, at bagyong Yolanda sa Tacloban at marami pang lugar sa SilaÂngang Visayas. Mabuti at walang pumutok na bulkan! Hindi pa nga lubusang nakaka-rekober ang ilang lugar, may bagong pagsubok namang naganap sa ibang bahagi naman ng bansa. Kaya nang malaman kong lumindol sa Luzon noong Miyerkules, hinanda ko na ang sarili para sa masamang balita. Mabuti na lang at mahina lang. Tila gumalaw lang ng konti ang lupa. Kasi naman ang text sa akin, malakas daw. Malakas kasi nasa mataas nga na lugar!
Palapit na ang bagong taon. Sana naman, biyaya ang dumating sa bansa, imbis na kalamidad. Sana makabangon ang mga lugar na nilindol, binagyo at nagkaroon ng labanan. Sana bumalik ang turismo sa mga apektadong lugar. Mabuhay muli ang komersyo para gumanda ang ekonomiya ng lugar. At pinaka mahalaga, bumalik sa normal ang buhay ng mga apektado.
Dapat ding matuto mula sa lahat ng naganap sa bansa ngayong taon. Hindi na puwedeng maulit ang mga pagkakamaling lumutang dahil sa mga naganap na kalamidad. Pag-aralan ang mga kakailanganing kagamitan sakaling maulit ang mga kalamidad. Kailangang baguhin na rin ang pagplano ng siyudad, para mas handa sa lindol o pagbaha. Maraming bansa ang nagpaabot na ng tulong, kaya nasa atin na kung paano gagamitin ang mga tulong na ito. Dapat masulit at mapapakinabangan ng mamamayan.
- Latest