^

PSN Opinyon

“Upong Diyes”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

NUNG UNANG panahon na diyes sentimos lamang ang pamasahe uso ang kasabihan na ‘Upong Diyes’ sa mga dyip para makarami ang mga pasahero sa loob ng sasakyan.

Kapag ikaw naman ay sa harap na nalagay, para ligtas ka dapat hindi nakalabas ang anumang parte ng iyong katawan para sa iyong kaligtasan. Isang mapait na karanasan na natutunan ng isang lala­keng na nasangkot sa isang aksidente.

Isang tatlumpu’t dalawang taong gulang na lalaki ang nagsadya sa aming tanggapan. Siya si Darwin Cerdeña, taga Cainta Rizal.

Ika-10 ng Hulyo taong 2012, bandang 5:30 ng hapon nakasakay sa pampasaherong dyip si Darwin pauwi na  kanilang bahay sa Karangalan, Cainta.

Isa siyang malaking tao at malapad ang katawan. Nakaupo siya sa harap at sa sikip ng dyip inilabas niya ang kanang paa, kapantay ng gulong na reserba. Kasama niya ang kanyang kapatid na lalaki na katabi ng drayber.

Habang binabaybay nila ang daan papuntang Katipunan, nakain ng kinasasakyang dyip na minamaneho ni Gener Pangilinan ang espasyo sa fly over. Mabagal ang usad ng trapiko.

“Biglang kumanan sa Xavier Ville ang drayber,” kwento ni Darwin.

Pagpihit nila sa kanan dun nila nakasagian ang isa pang pampasaherong dyip. Nakikipag-unahan si Gener sa pag-abante. Pagkabig ni Gener pakaliwa dun na naramdaman ni Darwin na masakit ang kanyang hita. Pagkatapos nakita niyang nakalaylay na ang kanyang paa.

“Nakalabas kasi yang paa mo!” sisi sa kanya ni Gener.

“Alam mo namang nakalabas bakit nakipaggitgitan ka pa? Dapat pinauna mo na lang yung isa. Hindi sana nadale ang paa ko,” sagot ni Darwin.

Si Darwin lang ang nag-iisang nasaktan sa insidente. Ang drayber naman ng isang dyip na nakilalang si Crispin Mamaril ay agad nawala matapos makita ang pangyayari.

Dinala siya ni Gener sa Philippine Orthopedic Center sa Banawe, Quezon City.

Nangako umano ito na sasagutin ang gagastusin sa ospital.

Pagkarating niya dun agad na nilagari ang kanyang buto. Kitang-kita niya ang maliliit na pirasong tumatalsik.

“Nagpaalam si Gener na babalik na lang siya kinabukasan pero hindi naman dumating,” wika ni Darwin.             

Dalawang buwan na naka-hanger ang paa niya sa ospital. Sinimento ito at hinayaan muna siyang umuwi.

Ika-11 ng Pebrero 2013 nang siya’y maoperahan. Umabot ng 80,000Php ang gastusin.

Nagtatrabaho bilang ‘lead man’ si Darwin sa Capitol Hills Golf and Country Club. Ang among si Engineer Bong Reyes ang tumulong sa kanya sa pagpapagamot.

Tatlong libong piso kada linggo ang ibinibigay sa kanya ni Engr. Reyes sa loob ng walong buwan.

Taong 1995 nang lumuwas siya ng Maynila mula Bicol para makipagsapalaran. Pumasok siya sa konstraksyon bilang pahinante hanggang sa nakilala niya si Engr. Reyes noong 2004.

“Hindi tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ko sa kanya pero siya ang umalalay sa akin sa pagpapagaling ko,” sabi ni Darwin.

Ika-24 ng Hulyo 2012 nang magsampa si Darwin ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries laban kina Gener Pangilinan at Crispin Mamaril sa Prosecutor’s Office ng Quezon City.

“Nung unang mga hearing pumupunta si Gener pero nung huli hindi na nagpapakita,” pahayag ni Darwin.

Noong Mayo 6, 2013 naglabas ng Resolusyon si Assistant City Prosecutor Raul Desembrana. Ayon dito nang magkaroon ng preliminary investigation hindi nakapagbigay ng kontra-salaysay si Gener kahit na dumalo ito. Si Crispin naman ay hindi nagpakita.

Malinaw na nakitaan ng probable cause ang parehong akusado sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries. Malinaw na ang mga ito ay nagkaroon ng kapabayaan sa kanilang mga sasakyan. Anim na libong piso ang magiging piyansa ng bawat isa.

Ika-27 ng Hunyo 2013 nang magkaroon ng Warrant of Arrest laban kina Crispin Mamaril at Gener Pangilinan. Pirmado ito ni Acting Presiding Judge Lyn Ebora-Cacha ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 38 ng Quezon City.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Darwin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa nangyari kay Darwin, nakipaggitgitan pa si Gener sa kapwa drayber kaya siya naaksidente. Malinaw na ipinapakita dito ang kanyang kapabayaan.

Ngunit kung susuriin nating mabuti may pananagutan din dito si Darwin. Mas ginusto niya ang maginhawang pwesto o maangas ang pagkaupo, delikado kaysa sa masikip ngunit ligtas.

Hindi nakapagbigay ng kontra-salaysay ang dalawang akusado kaya mas napadali ang paglalabas ng warrant of arrest. Kapag may nagpabaya may aani ng disgrasya.

PARA SA IBANG BALITA, kamakailan naging ‘viral sa internet’ ang video ni Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres na naglalaro sa casino.

Mahigpit na ipinagbabawal na magtungo, magpunta o magsugal ang mga opisyales ng gobyerno dahil sila ang tinuturing na huwaran. Ito ang nakapaloob sa Memorandum Circular no. 8 na inilabas ng Malacañang noong Agosto 28, 2001.

“Yes, I remember having dinner with a friend in a hotel. While waiting for the bill to be settled, I saw the slot machine on the lower floor and out of curiosity. I sat in front of one machine and marveled at the lights and read the instructions. I immediately left when the bill was paid. This happened way back,” pahayag ni LTO Chief Torres.

Ito’y isang bobong sagot o palusot dahil ang lugar na yun ay napupuntahan ko dahil ako ay isang ‘horse racing enthusiast’ kung saan merong Off Track Betting station dun. Yung dalawang lalake na nakatayo sa likuran ng lirato ay mga runners namin sa pagtaya sa karera na sina alyas Budyong at Sonny na kung minsa’y nauutusan niyang bumuli ng sigarilyo.. 

Handa silang magbigay ng pahayag sa kasinungalingan ni LTO Chief Virgie Torres at ilang beses siyang nakikita dun at nauutusan pa sila nitong si Torres.

Tatalakayin ko ang detalyadong ulat tungkol at kung saan pang mga casino umano naglalaro itong si Torres ayon sa aming impormante.

Pati na rin ang katawa-tawang depensa ng Pagcor para kay Torres na inere  na hindi daw ito Casino sa susunod na kolum. ABANGAN….

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog para sa mga biktima ng krimen o may  problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor Citystate Centre bldg.,  Shaw Blvd., Pasig City.

Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected].

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

CRISPIN MAMARIL

DARWIN

GENER

GENER PANGILINAN

IKA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with