‘Kinatay na tilaok’
“BAGO pa tumilaok ang manok…‘di ka na sisikatan ng araw!â€
Ito ang linyang hango sa isa sa mga pelikula ni ‘Da King’, Fernando Poe Jr. bago siya tumugis ng kalaban.
Lawit ang mga dila. Mahigpit na nakatali ang magkabilang kamay sa likod. Tali rin ang mga paa at wala ng saplot pang-itaas.
Ganito natagpuan ang dalawang bangkay sa isang damuhan sa Postema Sahud-Ulan—isang baranggay sa Tanza Cavite. Malapit lang din sa bahay ng isa sa biktimang si ‘Inyong’.
Ika-6 ng Hulyo 2013, nakita na lang ang mga patay na katawang kinilalang sina Napoleon Garcia Jr., 18 anyos at Rolly Pacampara, 20 anyos. Pareho silang nag-aaral sa isang Technical Vocational School sa Tanza, Cavite. Ang Amaya School of Home Industries (ASHI).
“Walang makitang motibo ang mga pulis. Ang pinapalabas may kinalaman sila sa nakawan ng panabong na manok,†ani Arsing.
‘MAGNANAKAW NG MANOK’ Ito ang isinulat sa karatulang karton gamit pa ang kulay pulang pintura…parang dugo.
Unang nagsadya sa aming tanggapan si Arsenio ‘Arsing’ Garcia, 58 anyos tiyuhin ni Napoleon o mas kilala sa tawag na “Inyongâ€.
Napag-alaman ni Arsing mula sa ama ng pamangkin na si Napoleon Garcia Sr., o “Napâ€, napansin na lang ang mga bangkay ng mga taga Postema Sahud-Ulan bandang alas singko ng madaling araw.
Mabilis na rumusponde ang mga pulis. Pagnanakaw ang nakita nilang anggulo sa pagpatay.
Diretsahan namin tinanong si Arsing kung sa palagay niya pumupuslit ng manok si Inyong sa kanilang lugar.
Mabait na bata raw itong si Inyong, sa katunayan nag-aahon pa ito ng bangka. Kapalit ng mga isda na binebenta naman niya pang-baon sa eskwela.
Tungkol naman sa kasama ni Inyong na si Rolly, ‘di niya alam kung anong uri ng tao ito at kung merong banta sa kanyang buhay dahil sa matinding galit.
Walang hawak na dokumento si Arsing ng magsadya sa amin kaya’t inutusan namin siyang papuntahin sa opisina ang kamag-anak ni Inyong na mas may alam sa kaso.
Ika-26 ng Hulyo 2013, bumalik sa amin si Arsing kasama ang ama ni Inyong na si Nap. Dala ni Nap ang kopya ng ilan sa mga larawang nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen (crime scene).
Makikita dun ang itsura ng dalawa. Nakataklob ang kanilang ulo ng itim na tela na may balot ng ‘packing tape’ (kulay puti at may kulay pulang sulat na ‘di na mabasa).
Nakahubad ang saplot pang-itaas at tanging ‘shorts’ na pandoble na lang ang suot nila Inyong at Rolly.
Nakatali ang kanilang mga kamay sa likod gamit ang kulay abong ‘straw’ at lubid. Habang tali naman ang kanilang mga paa ng ‘transparent packing tape’ na may pula ring sulat.
Nakatabing sa kanilang mga katawan ang dalawang malaking bayong na may dalawang bilog na butas na parang sukat sa kanilang mata. Parang Panahon ng mga Hapon na suot ng mga ‘Makapili’ na nagtuturo ng mga Pilipinong Gerilya. Sa ibabaw ng kanilang bangkay inilagay ang karatulang ‘MAGNANAKAW NG MANOK’.
Nang tanggalin ang balot sa ulo nila Inyong kapansin-pansin na lawit na kanilang mga dila at puro dugo ang kanilang ilong.
“Parang binigti sila. May nakita pa kaming marka sa leeg,†kwento ng amang si Nap.
Sa Police Report pirmado ni PO3 Benny Dinglasan Sabio, Investigation PNCO ng Philippine National Police (PNP), Tanza Municipal Police Station. Ginawa nung ika-18 ng Hulyo 2013. Base ito sa Police Blotter na ginawa sa istasyon ika-6 ng Hulyo, entry no. 13-171.
Nung nasabing petsa bandang 5:30 AM dalawang bangkay ang natagpuan sa isang bakanteng lote sa Sahud-Ulan, Tanza Cavite. Nakilala nga ang mga bangkay na sina Rolly at Inyong.
Ayon sa imbestigasyon, gabi ng ika-5 ng Hulyo 2013, ang dalawa ay parehong nag-iinuman kasama ang kanilang mga kaibigan.
Alas dose ng hating gabi, nanghiram sila ng pera kay Jesus Garcia, kapatid ni Inyong. Pamasahe papuntang Parañaque City at sinabing babalik sila 5:00 kinaumagahan. Sa kasamaang palad, nakita na lang ang dalawang patay.
Sa ipinakitang Certificate of Death ni Nap, nakalagay na dahilan ng pagkamatay ni Inyong ay: cardio-respiratory failure, ‘asphyxia by strangulation with ligature marks’. Dalawa ang pwedeng ginawa na paraan sa pagpatay sa kanila, binigti o sinakal na parang ginarrote.
Hanggang ngayon, walang makapagturo kung sino ang pumatay kina Inyongdahilan ng pagpunta nila Nap sa aming tanggapan.
Itinampok namin muli sina Nap at Arsing sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat†DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00AM-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, diretsahan namin sinabi kay Nap na sa uri ng pagpatay sa anak at kanyang anak at kaibigan… siguradong sinalvage ito. Malaki ang posibilidad na sila’y perwisyo sa isang ‘cock breeder’ o magmamanok. Ang isang ‘imported’ na manok ay nagkakahalaga ng Php10,000 hanggang Php15,000. Maaaring nasasaktan na rin itong magmamanok sa dami ng nananakaw sa kanyang ‘breeding farm’.
‘The body of the crime’ o kung paano isinakatuparan ang krimen ay may mensaheng iniiwan, isang babala na sinuman ang gumaya ay ganito rin ang sasapitin. Ang isang taong may galit kina Nap at Rolly, kung ito’y atraso lamang ay hindi na para sila kunin, busalan, itali sa likod at ibigti. Mas madaling barilin ito o saksakin at iwan na lang patay. Uso sa mga malaking magmamanok ang turuan ng leksyon ang mga magnanakaw para hindi tularan.
Malungkot man sabihin, ang ganitong uri ng krimen ay napakahirap lutasin. Walang testigo (o walang tetestigo) at walang magmamalasakit sa mga binatang ito. Mabibilang na lang sila sa mga istatistiko ng ‘case folder’ na inaanay sa ‘filing cabinet’ ng ating mga pulis na tinaguriang ‘unsolved crimes’.
Matapos sabihin ito, kami’y nananawagan sa mga taong may impormasyon sa tunay na nangyari at sino ang salarin na tumayo at gawin ang kanilang ‘Civic’ at ‘Christian duty’ na pangalanan kung sino ang gumawa ng pagpatay na ito.
Ang buhay ba ng tao ay katumbas ng isa, dalawa o tatlong panabong na manok? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gusto dumulog, magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. Hotline Nos. 09213263166(Chen), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). Landline: 6387285/7104038. Pwede kayo mag-email sa [email protected].
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest