^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Nagpaparungis sa PNP

Pilipino Star Ngayon

WALANG ibang nagpaparumi sa Philippine National Police (PNP) kundi ang sariling miyembro. Kaya walang dapat sisihin sa pagbagsak ng image ng PNP kundi ang mga pulis na walang pagmamahal sa kanilang sinumpaang tungkulin na maglilingkod at mangangalaga sa kapakanan ng mamamayan. Maraming pulis na mabuti at tapat sa tungkulin pero mas marami ang “scalawags”. Ang mga scalawags na ito ang nagbubulid sa organisasyon sa mas malalim pang hukay. Kapag hindi nagkaroon nang matinding reporma sa PNP patuloy ang pagbulusok nila sa hukay. At kawawa ang mga matitinong pulis sapagkat damay sila sa ginagawa ng “scalawags”. Kahit na walang ginagawang palso ang matitino, ang tingin na rin sa kanila ay masama. Sa katotohanan, kapag nakita ng mamamayan ang asul na uniporme ng mga pulis, masama na ang kanilang naiisip. Ganyan kasama ang pagtingin sa mga pulis sa kasalukuyan.

Ang pagkakasangkot ng 21 pulis sa Atimonan murder ay isa na namang matinding dungis sa PNP. Kabilang sa kinasuhan ng murder ay ang lider ng grupo na si Supt. Hansel Marantan at kanyang superior na si Chief Supt. James Melad. “Rubout” at hindi shootout ang nangyari sa Atimonan noong Enero 6, 2013 kung saan 13 tao ang napatay. Kabilang sa napatay ang tatlong pulis. Agawan sa teritoryo ng jueteng ang ugat ng lahat. Isa sa napatay si Vic Siman, umano’y jueteng lord sa Laguna.

Bukod sa pagkakasangkot ng mga pulis sa “rub­out”, marami rin namang sangkot sa “hulidap”. Hu­hulihin ng pulis ang kanilang target na civilian at tataniman ng kung anu-anong ebidensiya o kaya’y droga at saka hihingan nang malaking pera. Gaya ng ginawa ng dalawang pulis sa Quezon City na sina PO1s George Verbo at Thomas Jansen Tulio na “hinulidap” ang isang lalaki. May nakuha umanong shabu sa lalaki at hinihingian ng P15,000 nina Verbo at Tulio para makalaya. Nahuli rin agad ang dalawang pulis makaraang magreklamo ang lalaki. Ayon kay NCRPO chief Dir. Leonardo Espina, sisibakin ang dalawang pulis.

Walang kadala-dala ang mga pulis “scalawags”. Walang takot gumawa ng masama. Sa dami nang nasibak na PO1, PO2 at PO3, wala pa ring balak magbago ang mga pulis. Kinakaladkad sa hukay ang PNP. Nararapat nang mag-isip nang matindi ang PNP chief kung paano niya maiaahon ang orga­nisasyon na pinamumunuan.

 

ATIMONAN

CHIEF SUPT

GEORGE VERBO

HANSEL MARANTAN

JAMES MELAD

KABILANG

LEONARDO ESPINA

PULIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with