Mayor Vico, itinangging naghain ng disqualification vs kalaban
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng kampo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na walang “disqualification case” na inihain ang alkalde sa Commission on Elections (Comelec) laban kay Sarah Discaya na makakatunggali nito sa mayoral race sa May 2025 election.
Ang reaksyon ay tungkol sa mga naglabasang artikulo kamakailan hinggil sa kahilingan umano ni Mayor Sotto sa Comelec na ipa-disqualify si Discaya upang hindi makatakbo ang huli sa halalan at upang wala siyang makalaban.
“While we understand that the article may be based on a release made by Tindig Pasig, we’d like to set the record straight that Mayor Vico Sotto did not file for a petition for disqualification against Ms. Discaya. Rather, the letter sent to COMELEC is a mere summary of facts and reiteration of what the COMELEC Chairperson and Spokesperson said,” ayon sa press statement ng Public Information Office ng Pasig City.
Batay sa naging pahayag ng advocacy group na “Tindig Pasig”, ang sulat ni Mayor Vico na nagpapa-disqualify kay Discaya ay pahiwatig na ayaw nitong may pagpipilian ang mga Pasigueno.
Kabilang sa naging isyu ang umano’y “conflict of interest” na nakapaloob sa banggaan nina Mayor Vico at Discaya dahil sa kaugnayan ng St. Gerrard General Consultancy and Development Corporation (SGGCDC) kung saan chief executive officer ang asawa ni Sarah Discaya na si Pacifico “Curlee” Discaya II.
Ang SGGCDC ay may kaugnayan umano sa Miru Joint Venture, ang kumpanyang may hawak at mangangasiwa sa botohan at bilangan sa 2025 midterm National and Local Elections (NLE).
- Latest