Sa raid sa Bulacan at Valenzuela P2.4 bilyong pekeng yosi, kagamitan nasamsam
MANILA, Philippines — Umiskor ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Fraud and Commercial Crime Unit at Bureau of Internal Revenue at iba pang lokal na law enforcement units kasunod ng pagkakalansag sa large-scale illegal manufacturing na nagresulta sa pagkakasamsam ng P2.4 bilyong halaga ng pekeng sigarilyo at smuggling equipment sa serye ng operasyon sa Bulacan at Valenzuela nitong Nobyembre 6-7.
Sa report na tinanggap ni P/Brig. Gen. Nicolas Torre III, director ng PNP-CIDG, isinagawa ang magkakahiwalay na operasyon alinsunod sa pinaigting na operasyon laban sa smuggling ng mga pekeng sigarilyo.
Sinabi ni Torre, ang raid ay sa ilalim ng ipinalabas na BIR Mission Order No. MS0201700024179, Section 6(C) ng National Internal Revenue Code of 1997.
Ang illegal na planta ng pekeng sigarilyo, kayang mag-prodyus ng tinatayang 12.9 milyong sigarilyo kada araw na nasa P45 milyong halaga kada araw.
Ayon pa sa opisyal, ang mga nakumpiskang items kabilang ang mga production machinery at raw materials ay nasa P1.245 bilyong halaga, sa isang pabrika sa Bulacan. Nasa 155 katao na ni-recruit sa planta ang nasagip sa operasyon habang isang alyas “Yu” ang naaresto.
Nakumpiska rin sa tatlong operasyon sa Valenzuela City ang nasa P1.158 bilyong halaga ng mga peke at ipinagbabawal na brand ng sigarilyo habang limang dayuhan ang naaresto.
Ang mga dinakip ay nahaharap sa mga kasong tax evasion, intellectual propery violations at human trafficking.
- Latest