Alice Guo, atras na sa kandidatura sa 2025
Pinakakasuhan na ng Comelec
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi na siya tatakbong mayor sa susunod na taon
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality, tinanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Guo tungkol sa ulat na muli nitong pagtakbo bilang mayor ng Bamban.
Sagot ni Guo, na sa ngayon ay hindi na siya tatakbo at haharapin na lamang muna ang mga akusasyon laban sa kanya. Aniya, lilinisin muna niya ang kanyang pangalan para maging “fair” sa kanyang mga constituents.
Samantala, sasampahan na ng Commission on Elections (Comelec) ng kaso sa hukuman si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, bunsod ng umano’y “material misrepresentation” noong 2022 National and Local Elections (NLE).
Batay sa 12-pahinang resolusyon, na ibinahagi ni Chairman George Erwin Garcia sa media, nabatid na inaprubahan na ng Comelec en banc ang rekomendasyon ng kanilang Law Department na ihain na ang impormasyon laban kay Guo sa akmang Regional Trial Court (RTC) bunsod ng paglabag sa Omnibus Election Code.
Nag-ugat ang kaso matapos na maghain sa Comelec ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Bamban si Guo, at nagpakilalang isang Filipino at nanalo bilang alkalde noong 2022 election.
Malaunan ay napatunayan na si Alice Leal Guo at Guo Hua Ping, na isang Chinese citizen, ay iisang tao lamang matapos na magtugma ang kanilang fingerprints sa NBI.
Anang Comelec Law Department, malinaw sa mga iprinisintang ebidensiya na may sapat na basehan para paniwalaan na may nagawang material misrepresentation si Guo.
- Latest