Aktor Raymond Bagatsing tatakbong mayor ng Maynila
MANILA, Philippines — Pormal na ring naghain kahapon ng kandidatura ang mga pambato ng Partido Federal ng Pilipinas ng Maynila na pinangunahan ng PFP-Manila co-chairman at tatakbong alkalde ng lungsod na si Ramon “Raymond” Bagatsing III na kilalang award winning-actor, sa Commission on Elections (Comelec) office sa SM Manila.
Kasamang nagsumite ng kani-kanilang mga certificate of candidacy (COC) at certificates of nomination and acceptance (CONA) ang mga kandidato ng partido na sina dating 5th District councilor Pablo Dario Gorosin Ocampo, na tatakbong vice mayor ni Bagatsing at mga konsehal na sina District 2 Roneil Sanguyo at Nelson Sevilla; District 4 Aldwin Hamilton Tan at Eduardo Quintos XVI; District 5 Marilou Ocsan, Paulino Martin Ejercito Jr., Gloria Enriquez, Gladina Villar; at District 6 Juan Rafael Crespo at Romualdo Billanes.
Nagpasalamat naman ang buong miyembro at opisyal ng PFP-Manila sa suportang ipinagkaloob ni PFP-National President Gov. Reynaldo Tamayo.
Ang PFP ang ruling party ngayon sa bansa na partido ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ani ng mga kandidato, handa silang maglingkod ng tapat, walang bahid ng korapsyon, may puso, dignidad, may malasakit sa kapwa, at higit sa lahat may takot sa Diyos. Partikular nang isinisigaw ng mga Manilenyo ang kasalukuyang kumakandidatong mayor na si Raymond Bagatsing.
- Latest