Suporta sa bagong hepe ng Caloocan police tiniyak ng Caloocan LGU
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang suporta sa bagong upo na hepe ng Caloocan Police Station na si PCol. Paul Jady Dadang Doles.
Sa isinagawang turn over ceremony sa Northen Police District (NPD) pinangunahan ni Malapitan at NPD Director PBGen. Rizalito Gapas ang pagsasalin ng liderato ni PCol. Ruben Lacuesta kay Doles.
Ayon kay Malapitan hindi matatawaran ang dedikasyon, pagiging tapat at masipag ni Lacuesta bilang hepe ng Caloocan Police. Ani Malapitan, siniguro ni Lacuesta ang kaligtasan ng mga residente at pagsugpo sa kriminalidad.
Si Lacuesta ay isang PNP official na tunay na “24/7”. Personal nitong tinutugunan ang mga tawag at reklamo.
Nagpasalamat naman si Lacuesta kay Malapitan sa walang humpay na suporta nito sa kapulisan gayundin sa kanyang command group, commanders, personnel, media at pamilya.
Nilinaw naman ni Gapas na ang relieved order ni Lacuesta ay para na rin sa kanyang promosyon.
Nanawagan din ito sa kanyang mga pulis na ibigay ang tiwala at suporta kay Doles tulad ng suporta na ibinigay ng mga ito sa kanya.
“Patuloy nating titiyakin na walang puwang ang kahit anong krimen sa lungsod ngunit kasabay ng ating suporta sa kapulisan ay sisiguraduhin ko rin na hindi natin kukunsintihin ang anumang pang-aabuso mula sa kanilang hanay,” dagdag ni Malapitan.
- Latest