Ina, tiyahin binenta nude photos ng anak online
MANILA, Philippines — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Human Trafficking Division ang ina at tiyahin ng menor-de-edad na biktima dahil sa pang-aabuso makaraan umano nilang ibenta ang mga hubad na larawan ng biktima sa online, sa Quezon City.
Sa halagang P25,000 kada-transaksyon, nakuhang ibenta online ng mismong nanay ang 11-taong gulang na babaeng anak sa mga foreigner kung saan kasabwat umano mismo ang tiyahin ng bata.
Sa harap ng media, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, nagsimula ang bentahan ng malalaswang larawan noong 5-taong gulang pa lamang ang naturang biktima.
Sinabi ni Atty. Olga Angustia-Gonzales, nakarating ang impormasyon sa NBI sa modus ng nanay at tiyahin ng biktima mula sa timbre ng isang non-governmental organization na may nag-aalok ng sexual video recorded content at live sexual shows sa mga foreigner.
Sa isinagawang entrapment operation ng NBI, napatunayang lehitimo ang pang-aabuso sa menor-de-edad kapalit ng pera.
Aminado naman ang suspek sa nagawang kasalan dahil sa umano’y kahirapan sa buhay.
Bukod sa patung-patong na reklamo na kahaharapin ng mga suspek, wala rin itong piyansa dahil maituturing na “qualified online abuse” ang naturang krimen.
- Latest