4 pulis-SWAT namataan sa private party, sinibak!
Habang unipormado at may baril
MANILA, Philippines — Apat na pulis na kasapi ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ang sinibak sa puwesto matapos silang makunan ng larawan habang nasa isang private event sa Pasig City nitong Miyerkules.
Unang napabalita na ang nakunan ng larawan ay SWAT team ng Batangas Police, subalit isang opisyal ang nagkumpirma kahapon sa isinagawa nilang pagsisiyasat at ebalwasyon base sa direktiba ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr., na mga miyembro umano ng SWAT-Pasig ang sinasabing dumalo sa launching ng isang networking company sa Pasig City, habang naka-uniporme ng PNP at may dalang mga baril.
Ang apat na pulis ay tinanggal na sa kanilang puwesto at inutusang isumite ang kanilang mga sarili sa National Capitol Region Police Office (NCRPO) headquarters para sa isinasagawang imbestigasyon.
Lumalabas na nagsagawa umano ng routine patrol ang SWAT team-Pasig sa lugar nang imbitahan sila ng isang tao para sa soft launching ng isang networking company.
Dagdag ni Abalos, may mga larawan ng SWAT team na ipinadala sa kanyang opisina na nagpapakitang ang mga tauhan ay nakasuot ng kani-kanilang uniporme, at ang ilan ay may dalang mga baril.
Sinabi naman ni Eastern Police District (EPD) director Brig. Gen. Wilson Asueta na itinanggi ng apat na SWAT members na rumaraket sila bilang security escort sa pribadong indibiduwal sa nasabing event.
- Latest