Kapatid, sumuko sa pagpatay sa mag-inang balikbayan
MANILA, Philippines — Hawak na ng pulisya ang isang ginang na pangunahing suspek sa pagpatay at pagbaon sa mag-inang balikbayan na kanyang kapamilya sa Tayabas City, Quezon.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director Col. Ledon Monte, iniulat sa kanya ni Police Maj. Darwin Sevilla, hepe ng Pio Duran, na humingi sa kanila ng tulong ang anak na lalaki ng suspek upang maproseso ang pagsuko ng kanyang nanay, na kapatid ng biktimang si Lorry Litada.
Nabatid na kusang loob na sumuko ang nakatatandang kapatid na babae ng pinatay na ginang sa bayan ng Pio Duran sa Albay noong tanghali ng Biyernes.
Kaagad silang nakipag-ugnayan sa Tayabas City Police at itinurn-over ang ginang. Nitong gabi ng Biyernes ay dinala na rin sa Tayabas City ang suspek para sa tamang imbestigasyon.
Kaugnay nito, bumuo na ang pulisya ng Special Investigation Task Group (SITG) “Motegi” upang tumutok sa malalimang imbestigasyon sa brutal na pagpatay sa mag-inang biktima.
Ang SITG Motegi ay binubuo ng mga seasoned investigators at experts mula sa iba’t ibang police units, na magtutulungan upang mabatid ang totoo sa likod ng brutal na pagpatay sa mag-ina, ayon kay Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police director.
Ayon sa naunang report ng Tayabas Police, biglang naglaho ang mag-asawang may-ari ng isang bahay na nagsisilbing mga suspek sa krimen, sa Bella Vita Subdivision, Brgy. Isabang, Tayabas City noong unang linggo nitong Marso, matapos na maiulat na nawawala ang mga biktima na sina Lorry Litada at ang Japanese citizen na anak nito na si Mai Motegi, 26-anyos, noong February 21.
- Latest