Higit 500 deboto sugatan sa Traslacion
MANILA, Philippines — Umaabot na sa mahigit 500 deboto ng Poong Nazareno ang nilapatan ng lunas ng Philippine Red Cross (PRC) sa kasagsagan ng pagdaraos ng Traslacion 2025 kahapon.
Base sa operation updates ng Philippine Red Cross hanggang alas-5 ng hapon, may kabuuang 529 pasyente ang napagkalooban ng medical assistance.
Kabilang dito ang 267 deboto na may minor concerns, gaya ng abrasion, puncture, neck pain, avulsion, burn, hyperacidity, dizziness, laceration, headache, open wound, ingrown nail pain, detached nail, hirap sa paghinga, contusion, sprain, at pananakit ng lalamunan.
Nasa walo namang indibidwal ang nakaranas ng major concerns gaya ng pagkahilo na may kasamang panlalabo ng mata, pagduduwal na may kasamang panghihina ng katawan, hirap sa paghinga habang nasa 16 naman ang kinailangang isugod sa pagamutan, kabilang ang siyam na nasa PRC – Emergency Field Hospital at pito sa ibang medical facilities matapos na makaranas ng pagsusuka, pananakit ng dibdib, lumihis ang ilong, na-dislocate ang balikat, nagdugo ang ilong, nanakit at kaliwang bukung-bukong, nahirapang huminga, nakaranas ng pangingiki ng katawan, at pananakit ng likod.
Samantala, naging mabagal ang Andas dahil na rin sa dami ng mga debotong sumama at sumasampa dito sa kabila ng mga panawagan at pakiusap ng mga awtoridad.
Ayon kay MPD Director PBGen. Arnold Thomas Ibay, bagama’t tuluy-tuloy ang usad ng Traslacion, hindi mapigilan ang mga deboto na sumalubong at sumampa.
Nabatid na alas-4:41 ng madaling araw nang simulan ang Traslacion mula sa Quirino Grandstand.
Nagsimula umanong bumagal ang Traslacion nang mapadaan sa tapat ng MPD Ermita Police Station 5 (PS-5) dahil nabalaho ito.
Dito na umano naharang ng mga deboto ang andas at nang matanggal ang pagkabalaho ay nakausad na itong muli ng tuluy-tuloy hanggang sa Roxas Boulevard kanto ng Katigbak.
Dalawang oras din ang inabot bago tuluyang naiakyat ang Andas sa Ayala Bridge dahil rin sa mga sumasalubong na deboto, na nagpupumilit na makaakyat sa Andas. Naantala rin ang pag-andar ng prusisyon sa Quezon Boulevard dahil sa dami ng mga deboto doon.
Sa kabila ng patuloy na paalala ng mga awtoridad sa mga deboto na huwag akyatin ang Andas ay hindi pa rin mapakiusapan ang mga ito.
Hanggang sa oras na ito ay patuloy pa rin ang Traslacion ng Poong Nazareno para maibalik sa Quiapo Church.
- Latest