Bogus buyer arestado ng ACG
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang 31-taong gulang na babae na nakakulimbat ng P230,000 halaga ng imported goods mula sa isang online seller, gamit ang mga pekeng bank transaction receipt.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo ang suspek na si Mayumi Jane Ocubo, alyas Sofia Lim, ng Pilar Village, Las Piñas City.
Sa reklamo ng biktimang si Camille Arcibal, unang bumili ng P1,200 halaga ng produkto ang suspek sa kanyang live online selling ng Thailand at Japan Clothing products noong Oktubre 23, kung saan nagbayad ito sa pamamagitan ng bank transfer at ipinadala ang bank transaction receipt.
Nasundan pa ito ng maraming order na umabot sa P237,000 ang kabuuang halaga, na binayaran din ng suspek sa parehong paraan.
Bineripika ng biktima ang mga transaksyon sa kanyang Bank account, natuklasang peke ang mga transaction receipt na pinadala ng suspek.
Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong swindling /estafa, kaugnay ng R.A. No. 10175 o Cybercrime prevention Act of 2012.
- Latest