Palengke pa sa Quezon City, may e-wallet at online banking services na rin
MANILA, Philippines — Magagamit na ngayon ng mga mamimili ang e-wallet at online banking services sa pagbabayad sa Project 4 Public Market sa Quezon City.
Ito ay makaraang pangunahan ni QC Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad ng ‘PalengQR PH’ program sa naturang palengke kasama si Market Development and Administration Department OIC Margie Santos at iba pang mga opisyal ng QC hall, mga representative ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Mayor Belmonte, sa pamamagitan ng PalengQR ay mas mabilis at hassle-free na ang pamimili ng mga QCitizen sa naturang palengke dahil maaari nang magbayad sa mga stall gamit ang anumang e-wallet at online banking services sa pamamagitan ng PalengQR PH.
Ang PalengQR ay isang unified Quick Response (QR) code ng mga vendor na maaaring i-scan ng mga mamimili ang babayarang mga produktong nabili, gamit ang application ng anumang financial service provider (GCash, Maya, at iba pa).
Target ng MDAD na malagyan ng PalengQR ang lahat ng vendors sa mga pampublikong palengke sa lungsod.
Layunin ng hakbang na mai-promote ang digital payments sa lahat ng QCitizens para sa mas mabilis na transaksyon sa mga palengke.
Una nang nagkaroon ng PalengQR ang mga vendors ng Kamuning Market at Murphy sa QC.
- Latest